KAILANGAN NA BANG BUWAGIN ANG PCGG?

ANG Presidential Commission on Good Government (PCGG), ay muling naging sentro ng atensyon sa Kamara. Ang malaki kasing katanungan ay kung may saysay pa ba ang nasabing opisina matapos na ito ay itaguyod 36 taon na ang nakalipas. Hindi naman kaila sa ating lahat ang pakay ng pagtayo ng nasabing commission noong panahon ng Pangulong Corazon Aquino. Ito ay ugat ng umano’y “ill-gotten wealth” ng pinatalsik na si Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.

Samut saring mga kaso at imbestigasyon ang isinagawa ng PCGG noong mga panahon na iyon na pinamunuan ni dating Sen. Jovito Salonga. Tinatayang aabot ng $38.4 billion or P1.87 trillion ang mga nasabing “ill-gotten wealth” ng mga Marcos sa halaga sa kasalukuyang taon.

Subalit tila nalalagay sa alanganin ang posisyon ng PCGG sa harap ng kasalukuyang administrasyon.

Ang kasalukuyang Pangulo ng ating bansa ay anak ng nililitis ng PCGG upang makuha muli ang sinasabing “ill-gotten wealth”! Akalain nyo? Wala man sa ating kaisipan o imahinasyon na babaligtad ang gulong ng palad ng mga Marcos sa tinagal ng panahon!

Kaya naman naging sentro ng usapin ay kung may saysay pa ang PCGG. Bugbog sarado ngayon si PCGG chair John Agbayani sa kanyang pagdepensa ng kanyang opisina sa taunang budget deliberation sa Kamara. Naungkat tuloy ang mabagal na paglilitis at pagkuha ng mga umano’y ilegal na kayamanan ng pamilya Marcos.

Ayon kay Agbayani, P265 billion na ang narekober ng PCGG noong December 2021 at may hinahabol pa raw sila ng mahigit na P125 billion na nakaw na yaman.

Subalit marami sa mga mambabatas na kaalyado ng kasalukuyang administrasyon na hindi sang ayon sa pananatili ng PCGG bilang isang ahensiya ng gobyerno. Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez , sa loob ng 36 na taon ay dapat nagawa na nila ang mandato ng kanilang opisina. Kumbaga, ang PCGG ay isang ahensiya ng gobyerno na maaaring ilagay sa kategorya ng “walang forever”. Hindi katulad ito ng Comelec, CHED, CHR o mga kahalintulad na komisyon kung saan maaari nating matatawag na may saysay maski na ilang dekada na ang kanilang operasyon para sa serbisyong pampubliko. Idinikit pa ni Rodriguez ang plano ng gobyerno ng “rightsizing” ng burukrasya. Ang trabaho ng PCGG ay maari ng gawin ng Office of the Ombudsman at ng Department of Justice sa pagpapatuloy ng paglilitis ng mga kaso laban sa pamilya Marcos. Pahayag pa ni Rodriguez na ang Office of the Solicitor General (OSG) ay may nililitis ng 87 na kaso na kasama na ang civil at criminal cases laban sa mga Marcos.

Sa aking opinyon, tama ang pananaw ni Rodriguez. Sa hinaba ng panahon ng PCGG, walang matibay na kaso silang napatunayan laban sa pamilya Marcos. Ang mga mga pahayag ng pagre-remata nila sa gobyerno ng P600 million kada taon ay hindi ganoong kalaki kumpara sa naibibigay ng mga ibang ahensiya sa gobyerno.

Dagdag pa rito, maraming mga dating na malalaking negosyo na sequester ng PCGG noong panahon ni Pangulong Aquino ay nagsara at nalugi. Sa katunayan, maraming mga lupain na binansagan ng PCGG na walang matibay na ebidensya na may kaugnay ang pamilya Marcos ay ibinenta na nila na hindi namalayan ng publiko.

May balita pa nga na ‘yung mga batang abogado sa PCGG noong panahon ni Salonga, na nangungupahan lang ng apartment ay biglang umasenso sa buhay at nagkaroon na sila ng bahay at lupa.

May nagsabi nga sa akin na ‘buto-buto’ na lang ang mahihita ng mga pumalit na opisyal ng PCGG matapos ng administrasyon ni Cory Aquino at ni FVR dahil halos na paghatian na ang mga ito ng mga dating humawak ng PCGG.

Sa katunayan may kaso sa Sandiganbayan na iniuutos ang PCGG na magpaliwanag sa kwestyonableng pagbenta nila ng isang malaking lupain sa Surigao del Sur na pag-aari ng isang Peter Sabido. Ayon sa PCGG, na ang nasabing lupain ay may koneksyon sa pamilya Marcos. Ha?!

Sinabi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. na umamin ang PCGG na wala na silang nakikitang bagong kaso laban sa mga Marcos dahil sa kakulangan ng ebidensya laban sa kanila. “Sorry to say, but as I see it, you have outlived your usefulness after 36 years. The management of government property can be handled by other agencies… PCGG has existed too long.”, ang pahayag ng Barzaga.

Ang PCGG itinaguyod sa ilalim ng Executive Order No. 1 ni dating Presidente Corazon Aquino pagkatapos ng 1986 Edsa People Power Revolution upang i-sequester ang business enterprises at pag-aari umano ng mga Marcoses.