KAILANGAN NATIN NG BAGONG PREMYADONG AIRPORT

Magkape Muna Tayo Ulit

MALAKING aberya ang nangyari noong Huwebes sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang sumadsad ang isang eroplano ng Xiamen Air.  Nagresulta ito ng katakot-takot na stranded na mga pasahero na dapat ay lilipad noong araw na iyon. Lumala pa ang sitwasyon nang hindi agarang natanggal ang nasabing eroplano ng ­ilang araw at inabot ng Biyernes at Sabado. Alam naman natin na ito ang kasagsagan ng biyahe dahil nga sa nalalapit na long weekend. Ngayong araw kasi ay walang pasok dahil sa paggunita ng Eidi’l Adha ng ating mga kapatid na Muslim. Kaya ang karamihan ay ginawa nang ‘sandwich’ ang Lunes upang magkaroon ng apat na araw na bakasyon.

Marami sa atin ang nakapanood ng balita sa telebisyon, pati na rin sa social media kung saan nagmistulang palengke ang NAIA dahil sa dami ng mga pasahero na nabiktima ng delayed flights. Ang ilan ay doon na natulog. Karamihan ay umangal dahil hindi sila inaasikaso ng airline companies kung saan sila bumili ng tiket. Hindi raw sila nabigyan ng pagkain o kaya ay hotel kung saan dapat sana ay magpapalipas ng oras hanggang sa maayos ang iskedyul ng paglipad nila.

Ang nakadagdag pa rito ay ang kakula­ngan din ng pasilidad sa NAIA tulad ng maganda at malaking palikuran sa mga ganitong sitwasyon. Marami sa mga stranded na pasahero ang ilang araw na hindi nakaligo. Ang mga kainan din doon ay hindi naman makapagbigay ng diskuwento upang unawain ang sitwasyon.

Kanya-kanyang turuan kung sino ang may sala sa kapalpakan na nangyari sa NAIA. Sa totoo lang, dapat ay magbigay danyos ang pamunuan ng Xiamen Air. Hindi na kailangang magturuan. Napakasimple. Hindi naman mang­yayari itong kaguluhan at aberya sa NAIA kung hindi sumadsad ang kanilang eroplano. Kaila­ngan pa bang pag-isipan ito nang malalim?

Kaya lipat na tayo sa ibang isyu. Dahil nga sa nangyaring aberyang ito, lumabas na talaga ang matinding pangangaila­ngan na gumawa tayo ng mas malaki at modernong paliparan dito sa Manila. Ipagpaliban na ang plano ng sinasabing Super Consortium upang ayusin ang NAIA. Unang-una, hindi na sapat ang laki ng lupa kung saan nakalagay ang NAIA upang makagawa tayo ng airport tulad sa ibang mga progresibong bansa.

Huwag na tayong  lumayo. Tingnan ninyo ang airports sa Singapore, Malaysia, Japan at Hong Kong. Inilayo nila ang mga bago nilang airport mula sa kanilang kapitolyo kung saan nandoon ang kanilang lumang pa­liparan.

Parang bahay lang ‘yan. Tanungin ninyo kahit na sinong contractor o gumagawa ng bahay. Mas nais pa nilang gumawa at magtayo ng bahay mula simula kaysa  mag-rehabilitate o mag-renovate ng isang lumang bahay. Kaya mukhang mapapamahal lamang tayo kung rehabilitasyon ng NAIA ang gagawin natin. Hindi rin natin masasagot o mareresolba ang problema sa sinasabing airport congestion.

Harapin na natin ang katotohanan. Hindi na sapat ang NAIA sa lumalaking populasyon ng Kalakhang Maynila. Hinog na ang Clark International Airport upang gawing premyadong paliparan ng ating bansa. May panukala rin na magtayo ng isang “Aeropolis” sa Bulacan. Maaari ring ayusin ang Fernando Airbase sa Lipa City, Batangas upang gawing isa pang international airport para sa mga kababayan natin na nakatira sa katimugan. Maaari pa namang mag-operate ang NAIA subalit panahon na upang maghanap tayo ng mas premyadong paliparan sa labas ng Metro Manila.

Comments are closed.