KAILANGAN PA BANG IPAGDIWANG

Kailangan pa bang ipagdiwang
Ang iyong taunang kaarawan
O kung ano-anong kapistahang
Nagbabaon sa iyo sa utang?

Gayong wala ka ni isang plano
Kapag nagretiro sa trabaho.
Anong gagawin? Saan tatakbo?
Sinong tunay na kaibigan mo?

Paano kung walang-wala sila?
Kanino mo pa maibebenta
Ang bagay na di mo dati kaya
At ngayon ay wala nang kuwenta?

Ibubunton ang sisi sa anak
Na di mo naman noon binalak?
O matagal nang walang balangkas
Ang saranggola mong pinalipad?

Ay, nagkakandarapang humabol
Ikaw na di marunong mag-ipon!
Isang kahig, isang tukang ibong
Nalipasan ng gana at gutom.

Ngunit di ng uhaw na tumingin
Sa sarili sa sapang salamin
Upang iyong alami’t aralin
Ang liwanag sa nagdaang dilim!

Hanggang magliwayway na ang diwa
Sa damdaming binaha’t bumaha.
Kaya, sa kasalukuyan na nga
Itinuon iyang malay at mukha!

Sino ba sa iyo ang nagsabi
Na nasa una ang pagsisisi?
Malamang sa isang negosyanteng
Di mo akalaing mamulubi.