(Kailangan para makapagturo sa kolehiyo) DOCTORATE, MASTER’S DEGREE

KINAKAILANGAN nagtataglay ng mataas na kalidad ng edukasyon ang mga nagtuturo sa kolehiyo o pamantasan.

Bukod sa pagkakaroon ng master’s degree, dapat nagtataglay din ng doctor’s degree o PhD ang isang miyembro ng faculty.

Ayon kay Councilor Corrie Raymundo, chairman ng Committee on Education ng Pasig City Council, suportado ng konseho sa pagpapataas pa ng kalidad ng edukasyon ng mga faculty ng Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP).

“Sinusuportahan namin yung pagpapataas pa ng kalidad ng edukasyon ng ating faculty
kasi gusto talaga natin itaas pa yung profile nung faculty ng pamantasan dahil alam naman natin sila yung nagi-impart nang knowledge sa ating mga bata,” ani Raymundo

Kaugnay nito, hinihikayat ng konsehal ang mga nagtuturo sa naturang pamantasan na mayroon ng master’s degree na mag-doctorate para sa pinakamataas na lebel ng edukasyon.

Wala aniyang dapat ipag-alala ang mga mag-e-enrol sa graduate school dahil pagkakalooban sila ng study leave (konting units lamang sa pagtuturo), pagdating sa dissertation ay libre na sila sa pagtuturo ng isang semester.

“Para sila ay ma-encourage magbibigay kami ng study leave, ibig sabihin lesser units to teach yung iba naman pagdating sa dissertation puwedeng free na sila for teaching for one sem. Apart from that magbibigay po ang city government a total of P100,000 assistance or scholarships para sa kanilang pag aaral yung P50,000 ibibigay natin towards the end of their degree program,” ani Raymundo

Bukod pa rito, magbibigay din ang city government ng P100,000 financial assistance o scholarship, habang tuluy-tuloy pa rin ang kanilang mga suweldo.

Kapalit aniya nito ay ang kanilang serbisyo sa pamantasan na pagtuturo ng dalawang taon.

“Ngayon meron naman tayo sa batas na kailangan meron return service, ibig sabihin magbabayad sila ng service sa PLP pa rin kailangan 2 years return of service hindi sila pwedeng umalis,” pagtatapos ng konsehal. ELMA MORALES