HINDI pa man nagsisimula ang pandemyang COVID-19 ay kaisa na ng pamahalaan ang Meralco sa pagtulong sa mga konsyumer.
Nang pumasok sa bansa ang COVID-19, aming siniguro na magpapatuloy kami sa pagbibigay ng 24/7 ng maaasahang serbisyo ng koryente sa aming mga customer. Sa kabila ng pangambang hatid ng pandemya ay handa pa rin ang aming mga tauhan na pumunta sa mga customer anumang oras kailanganin ang serbisyo ng mga ito. Sa kabila ng aming mga inisyatiba at mga ginawa ngayong pandemya para sa mga konsyumer, hindi pa rin talaga mawawala ang pambabatikos ng ilan sa kompanya.
Sa isang liham na ipinadala ng aming Chief Commercial Officer and Head of Customer Retail Services na si Engr. Ferdinand Geluz sa isang pahayagan kaugnay ng isang column na inilabas nito kamakailan ay pinasinungalingan nito ang mga paratang na tila hindi nagbibigay ng kon-siderasyon ang Meralco sa mga customer.
Sa liham ay binigyang-diin ni Engr. Geluz na bagaman nagbalik na ang operasyon ng Meralco sa pagpuputol ng serbisyo ng koryente, siniguro nito na nagbibigay pa rin ang Meralco ng konsiderasyon sa mga customer na wala pang sapat na pambayad ng koryente.
Kung ating babalikan, mula Marso 2020 hanggang Disyembre 2020 ay pansamantala naming sinuspinde ang operasyon sa pagpuputol ng koryente ng mga customer na hindi nakapagbabayad sa tamang oras. Batid ng Meralco ang pinagdadaanan ng bawat isa ngayong panahon ng pandemya.
Marami ang nawalan ng hanapbuhay, marami ang mga negosyong halos malugi dahil sa pagtigil ng operasyon bilang pagsunod sa mga ipinatupad na lockdown, marami ang mga nagsara nang tuluyan.
Upang makabawas sa alalahanin ng mga konsyumer ay minabuti ng Meralco na huwag muna mamutol ng serbisyo ng koryente upang hindi ito mapuwersang magbayad agad nang buo ng kanilang nakonsumo.
Bagaman muli nang nagbalik operasyon ang Meralco sa pagpuputol ng serbisyo ng koryente, nilinaw rin ni Engr. Geluz sa nasabing liham na hindi prayoridad ng Meralco ang pagpuputol ng serbisyo ng koryente. Nananatiling prayoridad ng Meralco ang masigurong mayroong serbisyo ng koryente ang bawat customer nito.
Bukas ang tanggapan ng Meralco para sa mga konsyumer na nagnanais makipag-usap ukol sa kanilang mga bayarin sa koryente. Maraming customer na ang nagsadya sa aming mga opisina at nabigyan ng palugit at mas mahabang palugit sa pagbabayad. Ang nasabing mga customer ay sumailalim sa installment payment agreement (IPA). Sa kasalukuyan, umaabot na sa 27,000 ang bilang ng mga customer na naitalang nabigyan ng IPA, at 95% sa mga ito ay mga residential na customer.
Sa ilalim ng nasabing IPA ay hahati-hatiin sa ilang buwan, depende sa naging usapan ng Meralco at ng customer, ang kanilang mga naiwang bayarin sa koryente. Habang binabayaran nila paunti-unti ang kanilang mga bill sa pamamagitan ng IPA na ibinigay ng Meralco ay hindi sila mapuputulan ng serbisyo ng koryente.
Binanggit din ni Engr. Geluz sa kanyang liham na muling pinalawig ng Meralco ang ipinatupad nitong ‘No Disconnection’ policyhanggang Marso 2021 para sa mga lifeline customers alinsunod sa direktiba ng Department of Energy (DOE). Ang lifeline customer ay ang mga customer na ang konsumo kada buwan ay 100kilowatt hour (kWh) pababa lamang. Ayon sa aming datos ay nasa halos 40% ng kabuuang bilang ng aming mga customer ang matutulungan ng nasabing direktiba.
Ang aming mga customer na nais makipag-usap ukol sa kanilang mga bill o anumang usapin ay maaaring sumangguni sa aming tanggapan sa pamamagitan ng aming 24/7customer hotline sa bilang na 16211. Maaari rin silang magpadala ng mensahe sa aming mga social media account, sa Facebook at Twitter. Maaari ring magsadya sa pinakamalapit na Meralco Business Center sa inyong mga tahanan.
Nilinaw rin ni Engr. Geluz ang ukol sa proseso ng pamimigay ng disconnection notice at ng mismong pagpuputol ng serbisyo ng koryente.
Nagpapadala muna ang Meralco ng disconnection notice sa mga customer bilang paalala ng kanilang kailangan bayaran upang maiwasan ang maputulan ng koryente. Nakasaad din ang petsa kung kailan maaaring putulin ang serbisyo ng koryente kung mananatiling hindi bayad ang bill ng customer. Makaaasa ang aming mga customer na sumusunod sa proseso ang mga empleyadong nagdadala ng nasabing mga notice sa kanilang mga tahanan, at maging ang aming mga disconnection crew.
Sa kabila ng pandemya ay tuloy-tuloy ang serbisyo ng Meralco. Makasisiguro ang mga customer na anumang dating naging isyu sa aming serbisyo ay nagawan na ng solusyon. Kung may nais na idulog ang aming mga customer, maaari nila kaming lapitan gamit ang social media, or customer hotline, depende sa kung ano ang mas maginhawa at mas madali para sa mga ito. Makakaasa sila sa agarang pagsagot at pag-aksyon ng Meralco.
Sa nasabing liham ay humingi rin ng paumanhin at pang-unawa si Engr. Geluz sa ngalan ng Meralco para sa kung anumang abalang naidulot namin sa aming mga customer. Makakaasa ang aming mga customer na ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya upang patuloy na makapaghatid ng mahusay na serbisyo sa aming mga customer.
Comments are closed.