KAKAIBANG OBRA

KAKAIBANG OBRA

Gamit ang uling, atsuete, luyang dilaw at kapeng barako

(ni CYRILL QUILO)

ANG KAPE ay masarap na inumin—plain black man o may creamer. Imported man o local. Saan mang lupalop ng mundo, likas na sa mga tao ang pagkahuma­ling sa naturang inumin.

Isa nga naman ang kape sa nangungunang inumin na kinahihiligan ng kahit na sino. Hindi lamang din ito sa umaga iniinom kundi sa kahit na anong oras at panahon.

Sa Filipinas, ma­rami rin ang umusbong na klase ng kape. Mga ka­peng galing sa iba’t ibang probinsiya sa 7,100 islands ng Filipinas.

Isa sa paboritong kape ng marami ay ang barako na galing sa Batangas. Barako na ang ibig sabihin ay matapang na lalaki.

Inihalintulad ito sa kanilang kape na ubod ng tapang. Sa pag-inom mo, talaga namang gi­sing na gising ka. May tapang ang barako na tamang-tama sa panlasa at talagang nakagigi­sing ng kabuuan. Kaya’t kadalasan sa mahihilig sa kape, gustong-gusto o hinahanap-hanap ang kapeng barako.

Hindi lamang din sa Batangas sikat ang ka­peng barako kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.

KAPENG BARAKO, GAMIT SA PAGPIPINTA

At kung kinahihiligan ng marami ang ka­peng barako, may isang babae na hindi mahilig sa kape, ngunit may pagmamahal sa a­ting sariling produkto at ito ang ginagamit niya sa kanyang hilig sa pagpipinta. Ito ay upang matulungan at maipamalas ang iba pang gamit ng kape. Hindi lamang inumin na may antioxidant kundi maaari ring ga­mitin sa art o sining.

Si Janina Sanico, ang babaeng noon pa man ay nahihilig na sa pagpipinta. Ipinanganak siya sa Pasig at lumaki na sa Tanauan, Batangas.

BATA PA HILIG NA ANG MAGPINTA

JANINA SANICO
JANINA SANICO

Nasa e­le­men­tarya pa lamang ay sumasali na siya sa mga drawing contest. Hindi siya nanalo dahil sa kakulangan sa mga pambili ng materyales sa pagpipin­ta. Ginagamit niya lang na pangkulay ang mga dahon na kung ano-ano gayundin ang atsuete at mga bagay na nakikita lamang niya sa paligid.

Kapos sila sa buhay dahil sa murang edad ay nagkasakit na ang kanyang ama at hindi lumaon,  namatay.

Siya na ang tumutulong sa kanyang ina upang sila ay mabuhay. Dahil dito, isinantabi niya ang kanyang hilig sa pag-pi­pinta. Dahil sa tingin niya ay wala naman siyang mapapala rito. Hanggang sa nakatapos siya ng kolehiyo sa kursong Education sa Polytechnic University of the Philippines.

Taong 2015, isang kaibigan ang nagyaya sa kanya na dumalo sa workshop tungkol sa arts. Pinangunahan ito ng Senior Curator na si Ms. Zarah Escueta.

Nagsimula ulit siyang ma-inspire at nagsikap na muling magpinta. Kakaiba ang kanyang naisip dahil sa natural ang gamit niyang pangkulay. Mga kulay na ga­ling sa atsuete, uling, luyang dilaw at ka­peng barako.

NABIGYAN NG BREAK NANG DUMALO SA IKA-150 KAARAWAN NI MALVAR

Nang dumalo siya sa ika-150 na kaarawan ni Gen. Malvar sa Batangas ay nagkaroon siya ng pagkakataong maipakita at maipamalas ang kanyang ang­king galing. Lalo na’t ang mga dumalo sa naturang pagtitipon ay mga kilalang politiko at personalidad. Dito ay nabigyan ng pansin ang kanyang mga likhang bitbit.

Natuwa sa kanya ang mga bisita dahil sa pambihirang gawa na gamit ang ordinaryong katas ng mga pagkain. Naging matiyaga siya sa pagtuklas ng kulay na puwedeng gamitin.

Simula noon ay sunod-sunod na ang kanyang proyekto. Hanggang sa nagpagawa rin sa kanya ang pamunuan ng Padre Pio Shrine. Isang malaking imahen ni St. Padre Pio. Matapos ito, lalo pang bumuhos ang mga blessing kay Janina.

Sinamahan ni Janina ng pananampala­taya ang bawat likha. Sa kagandahang loob ng Maykapal at bilang kapalit sa mga tinatamasa niya ay nagtuturo siya ng pagpipinta sa mga bata tuwing bakasyon ng libre.

PATULOY SA PAGTUKLAS NG IBA PANG KULAY NA GALING SA PALIGID

Hindi rin siya humihinto sa pagtuklas ng iba pang kulay na ga­ling sa paligid na maaaring magamit sa kanyang pagpipinta.

Sa mga susunod na panahon ay gagamitin na rin niya ang tsaa o tea bilang dagdag pangkulay sa kanyang mga obra. Nais niyang buuin at kompletuhin ang lahat ng kulay sa color wheel.

Bukod sa pagi­ging Licensed Teacher, ang pagpi­pinta na rin ang kanyang ikinabubuhay at ipinantutustos sa mga pa­ngangailangan nilang mag-iina.

Masaya at buong puso niyang ginagawa ang kanyang hilig at may pananalig sa Diyos. Higit sa lahat, sa pagtitiyaga niya  na marating ang tagumpay.

Sa mga nagnanais na magpapinta sa kanya, maaari niyo siyang tawagan sa kanyang numerong (0909) 663 7390.

Maari n’yo rin siyang i-follow sa kanyang Facebook Account na Janina Sanico.