Kakaibang Pagdiriwang sa Pasig saTahanan ng Pagmamahal Children’s Home, Inc.

ni Riza R. Zuniga

SA paparating na ika-15 taong pagkakatatag ng Tahanan ng Pagmamahal Children’s Home, Inc., ngayong buwan ng Hulyo, isang kakaibang pagdiriwang ang naganap sa natatanging tahanan para sa mga bata at sanggol na naulila at inabandona sa Pasig at karatig-pook.

Buong pusong tinanggap ni Atty. Lamberto T. Tagayuna, kasalukuyang pangulo at chairman ng Board of Trustees ng Tahanan ng Pagmamahal, ang mga panauhing alagad ng sining, mga guro at dating mag-aaral sa Pasig City Science High School, taga-media at development workers mula sa ibang NGO.

Nagkaroon ng paglalahad at pagsasalin ng likhang-sining para sa Tahanan ng Pagmamahal mula sa premyadong International Filipino Visual Artist mula sa Paris, France na si G. Allanrey “Migz” Salazar.

Malugod na tinanggap ni Dr. Nestor Castro, Vice President for External Affairs ng Tahanan bg Pagmamahal, ang likhang-sining ni Migz na may pamagat na “The Child’s Play.” Saksi ang pamunuan ng Board of Trustees, sa pangunguna ni Atty. Tagayuna, Bb. Grace Lumawig, Rev. Fr. Orlando Cantillon, Executive Director Nila Valdez, program manager, social workers, mga bata, head nurse, at house parents.

Ang “The Child’s Play” ni Migz ay nagpapakita ng isang pares ng tsinelas na nakapatong sa lata ng Alaska. Ang unang pumapasok sa isip ng mga bata sa Tahanan ay ang larong tumbang-preso.

Sa ipinahayag ni Migz, “ang pares ng tsinelas ay hindi sumisimbolo ng kahirapan kung hindi isang gamit ng isang tao na maaaring pagdating ng araw ay maging ganap na doktor, inhinyero, guro o anumang propesyon na kanyang napili. Sa Asya o sa Pilipinas lamang gumagamit ng tsinelas.”

Nagpahayag ng mensahe ang mga alagad ng sining na sina Arlene De Castro-Añonuevo at Victor Puruganan, Principal ng Pasig City Science na si G. Charlie Fababaer at development worker na si G. Allan Ogues, na matagal ng nagsusulong ng adbokasiya para sa bata at mga karapatan ng bata.

Sa kasalukuyan ay may 35 bata ang nasa kalinga ng Tahanan ng Pagmamahal, 22 ang mga batang lalaki at 13 naman ang mga batang babae. Sa kabuuan, 11 taong gulang ang pinakamatanda at ang pinakabata ay dalawang buwan pa lamang.

Sa naging pagdiriwang, muling ginunita ang kagandahang-loob ng mag-asawang G. Reylindo at Gng. Myrna Ortega, mga founder, sa pagsisimula ng Tahanan ng Pagmamahal para sa mga bata at sanggol noong Disyembre 2006.

Bilang isang non-government organization, ang misyon ng Tahanan ng Pagmamahal ay nanatiling pagsisilbi sa Panginoon at dalhin ang Panginoon sa buhay ng mga bata at sanggol na naulila at inabandona; aktibong adbokasiya sa mga karapatan ng bata; at pagtataguyod ng pakikipagsosyo sa simbahan, mga ahensya ng pamahalaan at ibang NGOs sa pamamagitan ng kolaborasyon at networking.