KAKAIBANG SINING: LAGING KASAMA SAAN MAN MAGPUNTA

BAG-2

(ni CYRILL QUILO)

BAG ANG isang bagay na kinahuhumalingan ng mga kababaihan—bata, matanda, ma­yaman man o mahirap—basta’t afford ng taong may gusto nito. Bitbit din ito sa kahit saang okasyon at kahit saang lugar. Dito inila­lagay ang ating mga importanteng kagamitan o bagay na kailangan natin sa araw-araw o sa ating pupuntahan.

Noong mga unang panahon, ang bag ay yari sa sako, balat ng hayop, cotton o woven plant fi­bers. Sa ngayon ay iba-iba na ang klase ng bag na puwedeng pagpilian ng mga kababaihan o ma­ging kalalakihan.

May mga brand na rin na talaga namang kinawiwilihan ng ma­rami sa atin. Ang ibang brand nga ay galing pa sa Europa at nagkakahalaga ng pagkamahal-mahal. Mga brand na pinapa­ngarap ng maraming kababaihan.

Bukod din sa nagtatagal ang isang bag, isa rin sa iniisip ng marami ay ang kakaibang hitsura nito o pagkakagawa ng bag. Iyong bag na hindi pangkaraniwan kundi natatangi.

May ilang artist ang gumagawa ng kanilang obra sa mismong bag. Isa na rito si Cheryl Mendoza, tubong Calamba, Laguna. Nagsimula sa pagguhit-guhit ng flower vase sa kanilang eskuwelahan noong siya ay grade 3 pa lang. Una niyang ginamit ang monggol na lapis.Dito niya natuklasan na may talento pala siyang magpinta.

Noon ay wala siyang kakayanang bumili ng mga mamahaling gamit tulad ng lapis at pangkulay na kakailanganin sa kanyang nais na obra. Nagtiyaga siya sa mga libre o bigay sa eskuwelahan.

Nang siya ay lumaki at nag-aaral na sa kolehiyo, kumuha siya ng kursong Fine Arts sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City. Gusto ng kanyang amang abogado na kumuha siya ng kursong commerce. Hindi niya ito sinunod kung kaya’t ‘di siya sinuportahan sa kanyang mga pangangailangan. Nais niyang tuparin ang kanyang pangarap mula pagkabata. Dito niya nararamdaman ang kanyang kasiyahan—ang magpinta.

Dahil sa kanyang talento, sipag sa pag-aaral at tiyaga sa pagpinta, nang makatapos siya ng pag-aaral sa kursong Fine Arts ay muli siyang kumuha ng isa pang kursong Interior Design at muli siya ay nagtapos. Nagtrabaho siya sa malalaking kompanya. Ngunit dumating ang panahong mas pinili niyang sa bahay na lang muna ipagpatuloy ang kanyang hilig.

Nakapagpinta siya ng landscaping. Nakaipon ng ilang obra na siya namang dinala ng kanyang kaibigan sa Hawaii at doon ginawa ang exhibit kahit na wala siya sa mismong event.

Isang araw ay naisipan niya muling magpinta ngunit naubusan siya ng mga kagamitan kaya’t sumagi sa isip niya na magpinta ng bag. Naisipan niyang mag-umpisa sa kanyang sariling bag. Dahil sa gusto niyang may dala-dala siyang artwork na galing sa kanyang idolo na si Van Gogh, ipininta niya ang “Starry, Starry Night”. Mula noon, marami na ang nakapapansin at humahanga sa kanyang gawa dahil sa kakaibang sining at masasabing maipagmamalaki na maaari niyang dala-dala saan man. Dito niya nararamdaman ang pagtanggap ng maraming tao na may importansiya ang sining ng bawat lumikha.

Bagama’t ito ay may kamahalan dahil ‘ika nga “ang pagpipinta ay hindi overnight na natututunan”. Isa itong regalo ng Maykapal.

Bawat obra ay dugo, pawis at luha ang puhunan. Mahaba-haba ring panahon ang gugugulin bago matutunan at ma-perfect ang bawat isa. Hindi lamang utak, paningin at kamay ang gumaganang sabay-sabay kasama ang puso at hirap bago mabuo ang isang katangi-tanging obra.

Bawat obra ay kakaiba. Bawat obra rin ay may kasamang pagmamahal.