KAKAIBANG TIPS NANG MABAWASAN ANG TIMBANG

weight loss

SA KAHILIGAN nating magluto at kumain, hindi na natin napapansin kung minsang lumalaki o nadaragdagan na pala ang ating timbang. Kapag napasarap pa naman tayo sa pagkain, napakahirap na nitong pigilin. Ka-pag napansin na nating medyo naninikip na ang ating damit, saka lang tayo naaalarma.

Sabihin mang nais nating mapanatili ang  maganda at healthy na pangangatawan, may mga pagkakataon pa ring nahihirapan tayong sundin ito o gawin. Sa sarap nga naman na­ting kumain, hitsura pa lang at amoy ay hindi na natin magawang hindian. Mahirap namang tiisin ang sarili dahil maiinis tayo’t iinit ang ating ulo.

Mahirap ang magpigil ng pagkain. Kaya naman, narito ang ilang simple ngunit kakaibang tips upang mabawasan ang inyong timbang nang hindi si-nasadya o napapansin:

OUTFIT OF THE DAY O OOTD PHOTO

Marami sa atin ang mahilig talagang magpakuha ng picture. Bawat kibot, kinukunan at pino-post sa social media. Ang ilan nga, paggising pa lang ay cellphone na kaagad ang hawak at kinukuhanan ang sarili ng litrato.

Minsan, kapag nagbukas tayo ng Face­book, kapag nakita nating panay picture ng mga kakilala natin ang bumubungad sa atin, kung minsan ay nakadarama tayo ng inis. Pero may maganda naman palang naidudulot ang pagkuha ng picture o ang OOTD photo. Dahil sa pamamagitan nito, maaaring mabawasan ang iyong timbang.

May ginawang pag-aaral ang nutrition clinic sa Colombia. At lumabas na ang mga taong mahilig mag-ootd lalo na kung nagpapapayat o nasa weight loss plan ay mas malaki ang porsiyentong matapos ang plan kaysa sa mga indibiduwal na hindi mahilig mag-selfie.

MAKINIG NG MUSIKA HABANG NAG-EEHERSISYO

Nakatatamad ang mag-ehersisyo. Madalas, sa mga una o ikalawang araw lang tayo nae-excite pero sa pa­ngatlo o susunod na mga araw, kinatatama-ran na natin ang gumalaw.

At upang mabuha­yan ng loob sa pag-eehersisyo, mainam kung makikinig ng musika. Nakare-relax nga naman ang pakikinig ng musika.

Nakatutulong din ito upang ganahan tayong mag-ehersisyo. Nakatutulong din ang musika upang ma-improve ang quality ng workout sa pamamagi-tan ng pagtaas ng stamina at pagganda ng pakiramdam o mood.

KUMAIN NG ITLOG SA AGAHAN

Isa sa kadalasang nakaliligtaan ng marami lalo na kapag busy o nagmamadali ay ang pagluluto ng breakfast. Napakahalaga pa naman ng pagkain ng agahan dahil ito ang magbibigay sa atin ng lakas upang makayanan ang buong araw na pagtatrabaho.

Dahil isa nga naman sa pinoproblema ng marami ang pagluluto ng agahan, isa sa pinakamadaling kainin at lutuin ang itlog. At isa sa napakagandang benepisyo ng pagkain ng whole eggs ay ang pagbabawas ng timbang.

Sa pag-aaral, lumabas na ang pagkain ng itlog ay nakatutulong upang mabawasan ang pagkain ng maraming calories sa loob ng 36 na oras na nagi­ging daan upang mabawasan ang timbang at taba sa katawan.

Kung hindi ka naman mahilig sa itlog, mainam ding kahiligan sa agahan ang protein.

PALITAN ANG GINAGAMIT NA PINGGAN

Isa pang trick upang mabawasan ang timbang ay sa pamamagitan ng pagpapalit ng pinggan.

Kadalasan ay malalaking pinggan ang ginagamit natin sa pagkain para nga magkasya ang lahat ng pagkaing nais nating ilagay. Kapag malaki rin ang pinggan, napararami rin ang inilalagay natin doon.

Kaya naman, para mawala ang tabang kinaiinisan, mainam kung papalitan ng mas maliit ang pinggan. Maglagay rin ng mas maraming gulay at pru-tas.

Masarap ang kumain. Pero isipin din natin ang ating kalusugan. Nang mas ma-enjoy nga naman natin ang buhay kasama ang mga mahal natin, ma­ging maingat tayo— lalong-lalo na sa ating kinakain.

(photos mula sa hindustantimes.com, fitnessvsweightloss.com, .bhphotovideo.com)