BUKOD sa pagbabawal, iginiit ng isang ranking member ng Kamara de Representantes sa Department of Transportation (DOTR) na kumpiskahin o i-impound nito ang cargo trucks na babagsak sa ‘road safety at road worthy standard’ para masigurong hindi na magagamit ang alinman sa mga ito.
Ayon kay 1st Consumers Alliance for Rural Energy Inc. (1-CARE) Partylist REP. Carlos Roman Uybarreta, suportado niya ang kampanya ng naturang ahensiya na hindi na payagang ibiyahe sa lansangan ang mga cargo truck na wala na sa maayos na es-tado o kondisyon.
Binigyan-diin ni Uybarreta na makatwiran ang naturang kampanya ng DOTR laban sa ‘dilapidated cargo trucks’ dahil ang nais lamang nito ay maprotektahan ang lahat ng motorista at pedestrians mula sa sakuna at aksidente sa lansangan na maaaring idulot ng mga kakarag-karag na trak.
Kinastigo rin nito ang ilang cargo truck operators na nagmamatigas sa kampanya na ito ng DOTR lalo na iyong mga ilang taon nang pinakikinabangan ang kanilang trak subalit hindi naman gumagastos para sa maayos na pagmamantine nito ay kaya’y mag-invest sa bago at mas ligtas na cargo trucks.
Aniya, hindi umano dapat magpatinag ang DOTR sa anumang protesta ng truck operators na kontra sa nasabing polisiya ng ahensiya dahil tiyak umanong may iba namang operators na handang sumunod at binibigyan-halaga ang kapakanan ng publiko kaysa pansariling-interes lamang. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.