KAKASUHAN ng Department of Agriculture (DA) ang big-time personalities sa pamahalaan na sangkot umano sa pagbaha ng smuggled agricultural products sa bansa.
Hinikayat ni DA Assistant Secretary at Spokesperson Noel Reyes ang publiko na i-report ang sinumang may kinalaman sa ilegal na gawain.
“Kung may kilala po kayo, sabihin lang po ninyo ang pangalan, para magawan natin ng kaukulang administrative charges, mahirap ‘yung pahapyaw lang,” sabi ni Reyes sa isang teleradio interview nitong Martes.
Ang paglaganap ng smuggled vegetable products ay sinasabing ilang dekada nang problema sa bansa, na nagresulta sa malaking pagkalugi ng mga magsasaka.
Ayon sa League of Association at the LA Trinidad Vegetable Trading Areas, nasa P2.5 million kada araw ang nalulugi sa mga magsasaka sa La Trinidad, Benguet simula nang mag-umpisa ang 2022 dahil sa vegetable smuggling,
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Agot Balanoy, ang public relations officer ng asosasyon, na ang dami ng smuggled carrots ay dumoble mula 20% noong 2021 sa 40% ngayong taon sa kabila ng ginagawang pagkumpiska ng mga ahensiya ng panahalaan.
Ani Reyes, ang mga magsasaka ay maaaring makipag-ugnayan sa Marketing Department ng DA para kahir paano ay mapagaan ang epekto ng problema sa smuggling.
“Kami po ang tulong namin diyan, sumadya sila sa Department of Agriculture, makipag-ugnayan po sa Marketing namin, sa Kadiwa, para madala dito sa Metro Manila ang kanilang mga produkto, makabawi man lang sa product cost,” aniya.
Matapos ang pagdinig sa Senado noong Lunes, kinondena ni DA Secretary William Dar ang mga hindi pinangalanang high-ranking personalities at ang ilegal na pagpasok sa bansa ng vegetable products,
“We condemn whoever these personalities are, and we at DA will act swiftly and decisively to reprimand those involved among our ranks, officials, and staff. If found guilty, we will file the appropriate administrative charges against these individuals… I condemn this dastardly act of smuggling and smugglers in general,” ani Dar.