KAKAUNTING NAGPAPA-BOOSTER SHOT MAGIGING DAHILAN NG COVID-19 SURGE

NAGBABALA ang isang infectious disease specialist na ang mababang bilang ng mga nagpapaturok ng booster shot ay posibleng maging dahilan ng panibagong surge ng COVID-19 infections sa bansa.

Ito ay sa gitna ng banta ng bagong variant ng Omicron na na-detect sa Baguio.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, Chief ng Adult Infectious Disease and Tropical Medicine Unit sa San Lazaro Hospital sa Maynila na ang Omicron BA.2.12 sub-variants ay isang highly transmissible pero hindi nakikita na magdudulot ito ng severe infection.

Binigyang-diin naman niya ang pangangailangan ng booster dose para mapanatili ang proteksiyon mula sa bakuna habang ito ay humihina pagkatapos ng ilang buwan.

Samantala, hinimok ni Solante ang publiko na mahigpit na sundin ang health protocols at kumpletuhin ang pagpapabakuna kung hindi pa nakakatanggap.

Tatalakayin ng Department of Health (DOH) kasama ang ilang eksperto ang mungkahing bigyan ng second COVID-19 booster shot ang polling precint officers at overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kailangan na muling amyendahan ang Emergency Use Authorization (EUA) sakaling isama ang nasabing sektor.

Nabatid na kahapon lamang ng irekomenda ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na isama ang seafarers at OFWs sa pamamahagi ng ikalawang booster dose.

Una nang sinabi ng DOH na naglabas ang Food and Drug Administration (FDA) ng EUA sa pagbibigay ng naturang dose para sa immunocompromised, senior citizens at health workers pero iminungkahi ng Health Technology Assessment Council (HTAC) na sa ngayon ay unahin muna ang mga may sakit na indibidwal. DWIZ882