KAKAYAHAN NG BAWAT ESTUDYANTE, PUWEDENG PAGKAKITAAN

ESTUDYANTE-15

(Ni CT SARIGUMBA)

MARAMING kaakibat na pagsubok ang pag-aaral. Bukod nga naman sa pag-aaral ng leksiyon at kaliwa’t kanang projects, nariyan din ang problema sa mga gastusin sa maraming bagay.

Kaya maraming estudyante ang ginagawa ang lahat ng paraan upang matustusan ang lahat ng kanilang pa­ngangailangan.

Kunsabagay, napakahalaga ng pag-aaral dahil ito ang isang pa­raan upang umayos ang buhay ng marami sa atin. Upang makaraos sa buhay.

Gayunpaman, sa kabila ng kahalagahan ng pag-aaral ay marami pa ring estudyante ang hindi ito pinagtutuunan ng pansin. Kahit na may kakayahan silang makapagtapos o may sapat silang pera para makapag-aral, sinasayang nila’t hindi binibigyang halaga.

May mga estyudante naman na pursigidong magpatuloy sa pag-aaral sa kabila ng kakapusan ng pamilya. O kawalan ng pangangailangang pinansiyal.

Nagwo-working students para matustusan ang kanilang pag-aaral. Walang kapagurang pinagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho nang maitaguyod ang pag-aaral gayundin ang pang-araw-araw nilang pangangailangan.

May kanya-kanyang kakayahan ang bawat estudyante. May ilan na magaling magsulat. May iba namang may kakayahang magturo o mag-tutor.

Kaya sa mga estud­yante riyan na gustong magamit ang kanilang kakayahan para kumita, narito ang ilang tips na kailangan ninyong gawin nang hin-di maapektuhan ang inyong pag-aaral.

TIME MANAGEMENT

Napakahalaga ng time management sa kahit na sino– estudyante man o empleyado. Ito rin ang pinakamahalagang teknik na kailangang malaman ng bawat isa sa atin.

Sa pamamagitan nga naman ng pagbabalanse ng oras ay magagawa mo ang mga prayoridad mo sa buhay, lalong-lalo na sa pag-aaral at pagtatrabaho.

Mahalaga ring ina­ayon ang paglalaan ng oras sa iyong mga prayoridad at kung gaano kabigat ang kahalagahan nito. Gumawa ng time table o schedule na nang hindi mo mapabayaan ang pag-aaral habang nagtatrabaho o naghahanap ng part-time job.

Sa ngayon, maraming mga kompanya ang binibigyang pagkakataon ang mga estudyanteng makapagtrabaho o makapag-part time job.

Alamin ang iyong course timeline at planuhin ng maaga ang mga araw na pupwede kang pumasok sa trabaho.

Napakaimportanteng nakaplano  ang mga kinakailangang gawin sa bawat araw at oras upang hindi magkasabay-sabay at hindi  matambakan ng gawain.

Mahalaga ring nagkakaroon ka ng sapat na oras sa iyong sarili nang makapagpahinga at ma­kabawi sa pagod at stress.

Importanteng nakagagawa tayo ng panahon para sa ating sarili nang maiwasan ang pagkakasakit.

Mahirap ang magkasakit kaya’t ingatan natin ang ating katawan lalo na kung nag-aaral tayo kasabay ng pagtatrabaho.

MAGING MAINGAT SA PAGGASTOS

Hindi lahat ng bagay o gusto nating mga bagay ay kailangan nating bilhin.

Importante ring napag-iisipang mabuti ang mga bagay-bagay o mga nais bilhin. Una, alamin muna kung magagamit ba ito o kakailanganin.

Marami rin kasi tayong mga gustong bagay o gamit na kahit na hindi kailangan ay bi­nibili para lang makasunod sa uso.

Hindi naman masama ang gumastos. Iyon nga lang, kailangang maging praktikal ang bawat estudyante.

Kung hindi naman kailangan o mapakikinabangan, huwag na lang bilhin.

Kumbaga, timbangin muna ang mga bagay-bagay bago gumastos.

Matuto ring mag-imbak o mag-ipon sa bangko upang masigurado na ang pinagtrabahuan mo ay may magandang mapupuntahan at talagang maka-kabayad ka sa mga gastusin sa eskuwelahan.

 I-SET ANG IYONG GOALS AT PRIORITIES

Kung papasok sa ganitong sitwasyon, mahalagang pag-isipan muna itong mabuti.

Kakayanin mo bang pagsabayin ang  pag-aaral at pagtatrabaho?

Ano nga ba ang goal mo sa pagpa-part time job? Para ba ito sa mga pangangailangan mo sa araw-araw o sa luho?

Mahalagang mali­naw sa iyong isipan ang mga priority mo at hindi lang dahil sa pera na nakukuha mo sa iyong part time job.

Karamihan kasi sa mga nagtatrabaho habang nag-aaral ay nawawalan na ng gana magpatuloy sa eskuwela lalo kung nakakahawak na sila ng kanil-ang sari­ling suweldo.

Mainam pa rin ang makapagtapos ng pag-aaral nang mas maging malawak din ang mundong iyong maaaring tahakin.

ALAMIN ANG IYONG KAKAYANAN NANG MAPAGKAKITAAN

Bago rin ang pag­dedesisyon kung magpa-part-time job, alamin muna kung anong kakayahan ang taglay mo.

Kailangan din ka­sing nalalaman natin ang kakayahang mayroon tayo nang hindi malihis ang ating hahakbanging landas.

Kaya’t bago pumasok sa isang trabaho, mahalagang inaalam natin kung anong kakayahan ang taglay natin na hindi makaaapekto sa pag-aaral.

Mas maganda rin na kahanay ng iyong kakayahan ang trabahong papasukin. Hindi ka kasi makararamdam ng pagod kung mahal at gusto mo ang iyong ginagawa.

Mas okey rin kung ang iyong papasuking trabaho ay may kaugnayan sa kursong iyong kinukuha nang magkaroon na kaagad ng experience sa kare-rang nais mong ipagpatuloy kapag nakatapos ka na.

Magkakaroon ka na rin agad ng ideya sa mga ginagawa sa totoong mundo ng trabaho o corporate world na sinasabi nila.

Ibang-iba ang mundo sa labas ng eskuwelahan. O mundo mula sa librong binabasa natin.

SIPAG, DETERMINASYON AT NAPAKAHABANG PASENSIYA

Walang mahirap na bagay na maaari mong mapagtagumpayan kung ito ay iyong pagsusumikapan. Huwag madaliin ang pag-unlad dahil may tamang oras para sa lahat ng bagay.

Walang madali sa mundo, lalong-lalo na ang pagsasabay ng pag-aaral at pagtatrabaho.

Pero kung pagsasamahin mo ang iyong kasipagan sa paggawa, determinasyon na umunlad at napakahabang pasensya, tiyak na uunlad ang iyong buhay at magagawa mo ang nais mong gawin.

At tandaan nating lahat ng paghihirap na dinaranas natin, may ginhawang kapalit. Magpursige lang. Mangarap. At hu-wag na huwag bibitaw sa pangarap.

Comments are closed.