KAKAYAHAN NG CHINA NA ISABOTAHE ANG ELEKSIYON BUBUSISIIN

China

NAIS ni Senadora Risa Hontiveros na imbestigahan sa Senado ang kakayahan ng China na isabotahe ang halalan at maging ang ekonomiya ng Filipinas.

Ito ang naging pahayag ng senadora matapos na mapag-alaman na may Chinese managers at engineers ang may access sa operasyon ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na siyang nagpapatakbo ng koryente sa bansa.

Sa nakaraang pagdinig sa 2020 budget ng Department of Energy (DOE), inamin ni Atty. Melvin Matibag, presidente ng state-owned National Transmission Company (Transco) na may kapabilidad ang China na kontrolin at kahit na i-shutdown ang power transmission system sa bansa.

Binigyang-diin ni Hontiveros, posibleng magdulot ito ng kaguluhan sa politika at ekonomiya gayundin ang security implication sa Filipinas na dapat na agarang imbestigahan ng Senado.

Nangangamba si Hontiveros na kayang-kaya ng China na isabotahe ang election at i-shut down ang access sa television sa pamamagitan ng malawakang blackout.

Aniya, kaya rin na ibagsak ang ekonomiya  kung walang koryente para makapag-operate ang mga malalaking kompanya at maging ang communication technologies.

At higit sa lahat, iginiit rin ng senadora  na posibleng kaya na rin na i-overthrow ang gobyerno kung  kaya’t kinakailangan na imbestigahan ito ng Senado upang makapaglatag ng mga safeguard para hindi mangyari ang pinangangambahan nito. VICKY CERVALES

Comments are closed.