KUMPIYANSA ang isang opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na kayang paangatin ng administration ang kakayahan ng mga kababaihang Pinoy sa pamamagitan ng paglalatag ng edukasyon gamit ang information and communications technology (ICT) na kinalaunan ay magbibigay kapangyarihan sa kanila.
Si Patricia Nicole Uy, head executive assistant (HEA) ni DICT Secretary Ivan John Uy ay kinatawan ng Pilipinas sa ika-67 na sesyon ng United Nations Commission on the Status of Women (CSW67) sa New York noong Lunes.
Sa isang pahayag sa UNCSW67 Interactive Dialogue with Youth Representatives on the Priority Theme, sinabi ni Uy, na natapos ng Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon ang national survey na naglalayong bumuo ng baseline data sa pag-access, paggamit at kasanayan ng mga kababaihan sa ICT.
“It identified where women are currently underrepresented in the ICT sector and tailor our efforts accordingly. We also launched the Digital Innovation for Women Advancement Program,” sabi ni Uy.
Sinabi ni Uy na noong nakaraang taon, sinanay ng gobyerno ang halos 94,000 kababaihan sa 1,100 capability development activities tulad ng web at software development, blockchain at cybersecurity.
“As we move forward, we will continue to work to ensure that everyone, regardless of their circumstances, has access to the opportunities that digitalization can offer. With a focus on inclusivity and accountability, we hope to continue to serve the Filipino youth and women by empowering them in this new digital world,” dagdag ni Uy.
Upang mapabuti ang digital literacy, sinabi ni Uy na ang DICT ay nag-aalok ng ICT training, programming para sa mga bata, physical at online learning platforms at cybersecurity certifications gayundin ang pagbibigay ng mga laptop at tablet.
Sa kabila ng napakalaking benepisyo ng digitalization, madalas itong hindi nagagamit, lalo na sa mga bansang may mababang antas ng digital literacy.
Halimbawa, sa Pilipinas, sinabi ni Uy na sa 82.7 porsiyento ng populasyon na mayroong Facebook account, 8 porsiyento lamang ng mga Pilipinong nasa edad 15 pataas ang may mga pangunahing kasanayan sa ICT.
Itinuro ni Uy na humigit-kumulang 53.7 porsiyento ng mga Pilipinong gumagamit ng Facebook ay kababaihan, at nasa isang mas mataas na panganib na makaranas ng iba’t ibang anyo ng pang-aabuso, tulad ng sexual harassment at cyberbullying, na nagpapatibay sa kahalagahan ng pagtataguyod ng ligtas at inclusive na mga digital na espasyo.
Ang United Nations ay ginugunita ang International Women’s Month sa ilalim ng theme na “DigitAll: Innovation and Technology for gender equality.
EVELYN QUIROZ