KAKULANGAN NG HOSPITAL BEDS TUTUGUNAN

hospital beds

UPANG maresolba ang kakulangan ng hospital beds sa mga pampublikong pagamutan, ipinanukala  ni Senador Sonny Angara na ibigay sa Department of Health (DOH) ang buong res­ponsibilidad na pangasiwaan ang suliraning ito at mamahala sa pagpapatupad ng mga solusyon.

Ito ang itinuturing na isang paraan upang ma­sagot ang mga kakula­ngan ng public hospitals at maipaabot sa tao ang mas pinataas na kalidad ng serbisyong pangkalusugan ng gobyerno.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1682 (An Act Authorizing the Department of Health to Increase Bed Capacity and Service Capability), pinapayagan ang DOH na manguna sa mga aksiyon na sasagot sa kakulangan ng mga pampublikong ospital upang maiwasan ang paglala pa ng mga suliranin dito lalo na sa mga panahong apektado na ng problema ang mga pasyente.

Ikinababahala ni Angara ang kasalukuyang sistema sa public hospitals, sapagkat sa ngayon, maaari lamang padagdagan ng DOH ang hospital beds at ang pag-upgrade sa kalidad ng serbisyo ng mga ito sa pamamagitan ng lehislas­yon. Hindi aniya awtomatikong nakakikilos ang departamento ng kalusugan sa upgrading ng public hospitals dahil kailangan pa itong idaan sa lehislasyon ng mga mambabatas.

Sa ngayon, mayroong 70 public hospitals ang minimintina ng DOH, at 53 sa mga ito ay general hospitals, 14 ang specialty hospitals, dalawa ang infirmary at isa ang psychiatric facility.

Binigyang-diin ni Angara na noong 2016 pa lamang, ang average bed occupancy rate ng lahat ng DOH hospitals ay 136 percent at 61 percent ng mga ospital na ito ay may bed occupancy na mas mataas sa awtorisadong bed capacity.

“Nalalagay sa ala­nga­nin ang kaligtasan ng mga pasyente dahil sa bed occupancy mismatch. Kung palaging ganito, mas malaki ang magiging suliranin ng mamamayan sa kanilang mga pangangailangang pangkalusugan,” ani Angara isa sa mga awtor ng National Health Insurance Act, o ang batas na sumisiguro sa tulong pangkalusugan sa publiko ano pa man ang kanilang katayuang pinansiyal sa lipunan.

Anang senador, dahil hindi maiiwasan ang pagtaas ng bilang ng ating populasyon, dapat lamang na maresolba ang mga suliranin sa serbisong pangkalusugan ng bansa upang masagot ang mga posibleng pangangailangan dito ng publiko

Ikinalungkot din ni Angara  ang inilabas na datos ng Philippine National Statistics Authority noong 2015 na nagsasabing anim sa 10 kamatayan ng pasyente ay dahil sa kapabayaang medical.  VICKY CERVALES

Comments are closed.