TULAD ng awit ni Gary Valenciano, hindi na tayo natuto. Sumapit na naman ang panahon ng tag-init. Ang ibig sabihin nito ay, tulad ng mga nakaraang taon, magkakaroon na naman ng water interruption sa mga susunod na buwan.
Ganito ang naranasan natin mga ilang taon na ang nakaraan subalit tila walang nagbago.
Ang Maynilad Water Services Inc. ay nag anunsiyo na magkakaroon na tayo ng daily water service interruption sa mga nasasakupan ng kanilang serbisyo sa kabuuan ng Metro Manila upang umano’y makatipid sa suplay ng tubig sa nagbabadyang pagsapit ng El Niño sa bansa. Ipinahayag ng Maynilad na ang mga apektadong lugar ng kanilang water interruption ay ang Bacoor City, Caloocan City, Cavite City, Imus City, Las Pinas City, Makati City, Malabon City, Manila, Navotas City, Paranaque City, Pasay City, Quezon City, Valenzuela City, at Rosario, Noveleta, at Kawit sa lalawigan ng Cavite. Mawawalan daw tayo ng suplay ng tubig mula alas kwatro ng hapon hanggang ala sais ng umaga ng dalawang araw. Huwaw!
Malaki ang kutob ko na magpapatuloy ang water service interruption hanggang sa buwan ng Mayo. Pupusta ako dyan. Aba’y nitong araw ng Sabado at Linggo ay nawawalan na kami ng tubig mula ika-siyam ng gabi hanggang alas kwatro ng madaling araw. Wala pang malawakang anunsiyo yan mula sa Maynilad ha?
Malinaw na gumagawa ng paraan ang Maynilad sa pamamagitan ng kanilang anunsiyo upang hindi gaano masakit ang pagtanggap sa talagang katotohanan na balik muli tayo sa pagrarasyon ng tubig. Paliwanag pa ng Maynilad, nagdedepende raw ang pagbabalik normal ng serbisyo nila ng tubig sa aktwal na dami ng tubig na makukuha ng kanilang water treatment plant at kung kailan muli uulan sa ating mga watershed. Kaya ang ibig sabihin lang nito ay kakapusin sila ng suplay ng tubig upang mabigyan tayo ng patuloy na malinis na tubig na lalabas sa ating mga gripo.
Dahil siguradong kukulangin sila ng pagkukunan ng tubig sa Angat Dam, Laguna de Bay at sa La Mesa Dam nitong panahon ng tag-init.
Nauunawaan ko ang kalagayan ng dalawang malalaking water concessionaires na Maynilad at Manila Water.
Lumalaki ang populasyon ng Metro Manila at ang mga karatig lalawigan nito kung saan sila ang nagbibigay ng serbisyo sa malinis na tubig. Kulang ang kanilang pinagkukunan ng suplay. Ang ating gobyerno ay dapat bilisan ang mga karagdagang mapagkukunan ng suplay ng tubig. Ang Kaliwa Dam na makikita sa kabundukan ng Rizal at Quezon, ay kasalukuyang ginagawa. Subalit bibilang pa tayo ng ilang taon bago mapakinabangan ito.
Kaya sa ngayon, tiis muna. Kailangan muling bigyan sila ng mahaba at malaking pag-unawa sa kalagayang ng suplay ng tubig. Sa ngayon, sariling diskarte muna tulad ng pag-iimbak ng tubig sa drum, gumastos upang magkaroon ng sariling overhead tank, maglagay ng deep well o kaya naman ay magtipid sa tubig at isakripisyo ang sariling personal na kalinisan at bawasan maghugas, mag-flush ng inidoro at maligo upang maitawid muli natin ang kalbaryo ng kakulangan ng suplay ng tubig nitong panahon ng tag-init. Haaaays.