TUTUGUNAN ng panukalang batas sa pagtataguyod ng mental health ng mga mag-aaral ang kasalukuyang kakulangan ng Pilipinas ng mga guidance counselor.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, kaugnay ito sa ibinahagi ni Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Executive Director Dr. Karol Mark Yee sa isang press conference, na kakulangan ng mga kuwalipikadong guidance counselors sa Department of Education (DepEd).
Bagaman may humigit-kumulang 5,000 na plantilla position para sa mga guidance counselor sa kagawaran, umaabot lamang sa 300 ang natatapos sa kinakailangang master’s degree sa guidance and counseling para sa posisyon. Dahil ito sa kakulangan ng mga paaralang may master’s programs sa guidance and counseling.
Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, aabot sa 14 taon bago mapunan ang kasalukuyang mga bakanteng posisyon, ayon sa executive director ng EDCOM II.
Bukod sa pagpapatatag sa school-based mental health program, isinusulong din ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) na akda ni Gatchalian ang pag-hire sa mga kwalipikadong kawani sa paghahatid ng mga serbisyong pang-mental health. Nililikha rin ng naturang panukala ang mga bagong plantilla position na School Counselor Associate I hanggang V, School Counselor I hanggang IV, at Schools Division Counselor.
Sa paglikha ng mas marami pang mga posisyon, binigyang-diin ni Gatchalian na maibibigay na sa mga mag-aaral ang mga kinakailangan nilang serbisyo sa mental health.
Sa ilalim ng panukalang batas, kailangang may Bachelor’s Degree in Guidance and Counseling, anumang Bachelor’s Degree na may 18 units ng courses sa Guidance and Counseling o Psychology, at anumang kaugnay na Bachelor’s Degree na may minimum na 18 units ng Behavioral Science subjects ang mga School Counselor Associate.
Kailangan namang Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist ang mga nais maging School Counselor at Schools Division Counselor. Ang mga kasalukuyang posisyon na Guidance Counselor, Guidance Coordinator, at Guidance Services Specialist ay papalitan upang maging akma sa mga bagong posisyong nilikha ng batas.
“Kasabay ng pagkakaroon ng programa sa mental health ng ating mga mag-aaral, kailangan din nating tiyaking may sapat at mga kwalipikadong propesyonal upang maipatupad ang programa sa mga paaralan. Mahalagang itaguyod natin ang kapakanan at kaligtasan ng ating mga mag-aaral dahil nakakabit ito sa kanilang kakayahang matuto,” ani Gatchalian.
VICKY CERVALES