KALABAN SA PAGTITIPID

PAGTITIPID

ISA NA yata sa mga bagay na mahirap gawin ngayon ay ang magtipid. Paano ba naman, nariyan ang mga gastusin kahit saan ka lumingon o pumunta at pati na rin ang patuloy na pagtataas ng mga bilihin.

Sabi nga nila, mabaryahan lang ang isang libo mo ngayon, hindi na magtatagal ng isang araw. Hamon sa karamihan sa atin ang pagba-budget ng suweldo buwan-buwan.

Mahirap mang ma-achieve ang makatipid para makaipon ay may mga tao pa ring sinusu­bukan na gawin ito para hindi magipit. Nariyan ang pag-iwas sa sobrang paggastos, minsanang pagkain sa mamaha­ling restaurant at marami pang iba.

Aminin man natin o hindi, marami sa atin ang gustong magpa­yaman para gumanda ang buhay. Kaya nga tayo nagkakandakuba sa pagtatrabaho at ginagawa ang lahat ng makakaya para kumita.

At minsan, kapag nahawakan na natin ang suweldo na katas ng ating paghihirap, nawawala sa isip natin na magtipid para sa mga susunod pang bukas.

Hindi na bago sa atin ang mga bagay na dapat gawin para makatipid.  Isang hanap mo lang sa internet ay lalabas na ang tips na gagawin para sa matagumpay na pagtitipid. Pero narito ang tatlong dapat mong iwasan kung ikaw ay may layuning magtipid at makapag-ipon para sa iyong  kinabukasan.

Ang ituturo sa atin ng mga gabay na ito ay kung paano muna dapat baguhin ang pag-iisip bago ang pag-uugali para maging habit na ang ‘di paggasta nang sobra.

Marami ang dahilan kung kaya’t napapagastos tayo. Kapag nakakita nga naman tayo ng gusto natin, hindi natin maiwasan ang mapabili.

Gayunpaman, narito ang ilan sa mga dapat iwasang isipin upang mapagtagumpayan ang inaasam-asam na pagtitipid:

UMASA PALAGI SA SUSUNOD NA SUWELDO

 Sa tuwing iniisip natin na may susuwelduhin naman tayo sa susunod na buwan, lalo na kung malaki, hindi natin namamalayan ang ating mga paggastos. May mga pagkakataon tuloy na atat tayo sa susunod na suweldo dahil sa paubos na ang ating pera kahit na halos kasasahod pa lang. Para maiwasan ang ganitong pag-iisip ay dapat sa tuwing darating ang suweldo ay nagba-budget na para sa gastusin buong buwan, nag-iipon para sa emergency fund at nag-iisip ng magandang investment para may magandang patunguhan ang iyong pera.

PAG-IISIP NA “WALA AKONG PERA”

PAGTITIPIDMinsan nasasabi natin ang mga katagang “wala akong pera” dahil sa  naubos na ang ating suweldo at umaasa na naman tayo sa darating na sahod. Dahil sa patuloy nating pag-iisip nito, hindi na tayo naaalis sa ganito, buwan-buwan na lamang ay ganu’n ang ating bukambibig. Tandaan na kung ano ang iniisip natin pa­lagi, siyang nangyayari talaga sa atin.

Kaya kung isa ka sa palaging nag-iisip nito ay umpisahan mo nang baguhin ang nakagawian mo. Simulan mo sa pag-iisip kung saan puwedeng may pagkakitaan para lumago ang iyong pera. Magkaroon ng disiplina sa paggastos at isiping may mas mga importanteng bagay pang dapat paglaanan ng iyong kinikita buwan-buwan.

PAG-IIPON… PARA BUMILI NG MAMAHALING LUHO NA HINDI KAILANGAN

PAGTITIPIDMaganda ang pag-iipon kung para sa importante mo ito ilalaan. Madalas na nag-iipon tayo para bumili ng mga gamit na hindi naman natin ganoon ka kaila­ngan at kapag nabili na, balik sa wala ang alkansiya.

Maling-mali ito dahil nasasanay tayo na mag-ipon para sa mga bagay na hindi naman natin gaanong mapakikinabangan.

Lagi nating isipin na sa pagtitipid, katuwang natin ang ating pag-iisip. Ang disiplina sa paghawak ng pera ay maha­laga. Mahalaga rin ang pag-iisip na magpundar para sa kinabukasan. Okay lang ang gumastos paminsan-minsan para sa kung anumang ating ikaliligaya, pero dapat alam nating limitahan para hindi tayo magipit sa panahon ng panga­ngailangan.

Ilan lamang iyan sa mga dapat nating iwasang isipin para makatipid. Maaari itong makatulong lalo na sa mga nagsisimula pa lang maghanda para sa kinabukasan. Mara­mi pang ibang puwedeng gawin para makaipon, pero hangga’t  hindi nasisimulan ang pagbabago ay walang mararating.

Pero kapag nasimulan naman ang pagbabago, matutong ipagpa­tuloy. (photos mula sa thevinenw.com, budgetease.com at finder.com.au)  LYKA NAVARROSA

Comments are closed.