(Kalahati lumipat na sa ibang bansa) KITA MULA SA POGOS BUMABA

Andrea Domingo

UMALIS na sa bansa ang kalahati sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Ito ang iniulat ni PAGCOR Chair and CEO Andrea Domingo sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa 2022 national budget.

Ayon kay Domingo, higit sa kalahati ng POGOs sa bansa ang lumipat na sa Cambodia at Laos.

Kung dati ay nakapagbibigay ang POGO ng P8 billion hanggang P9 billion na kita sa PAGCOR,  bumaba na ito sa P1.6 billion dahil sa kalahati na lamang ang nag-o-operate dulot ng pandemya.

Ang kita na nakukuha ng PAGCOR mula sa POGO ay ginagamit sa pagpopondo sa Universal Health Care Law at sa iba pang mandatory programs na iniatang sa kanila ng pamahalaan.

Sa 2019 ay nasa kabuuang P17.96 billion ang naibigay na pondo ng PAGCOR sa UHC pero bumaba ito sa P7 billion noong 2020.

Lagpas sa kalahati naman ang ibinaba sa total income ng PAGCOR na nasa P36 billion noong 2020, malayo sa P104.65 billion noong 2018 at P81.97 billion noong 2019.

Sa 2022 ay target ng PAGCOR na maitaas sa P50.75 billion ang kita at P33.19 billion naman ang maibigay na kontribusyon sa mga proyekto ng pamahalaan.  CONDE BATAC