GINAGAWANG juice at maging sawsawan, iyan ang pangunahing pakinabang ng kalamansi sa marami sa atin. Masarap din itong isama sa tea. Sa ngayon din, nauuso rin itong ipiga sa tubig nang magkaroon ng lasa ang nasabing inumin. Kung wala ka nga namang pambili ng lemon, puwedeng pamalit ang kalamansi. Murang-mura nga lang naman ito.
Pag-iingat sa sarili, iyan ang isa sa kailangang gawin ng marami lalo na ngayong tag-ulan. Kapag malamig ang panahon at walang tigil ang pag-ulan, hindi maiwasan ang pagkakasakit. Ilan pa naman sa sakit na usong-uso kapag ganitong panahon ay ang ubo, sipon at lagnat.
Para maiwasan ang iba’t ibang sakit na dulot ng tag-ulan, kailangang palakasin natin ang ating resistensiya.
At isa sa kailangan ng katawan upang mapalakas ang immune system ay ang vitamin C. At ang vitamin C na iyan ay makukuha natin sa pag-inom ng calamansi juice.
Mayaman nga naman sa vitamin C ang kalamansi kaya palagi itong ginagawang juice. Masarap din ang calamansi juice kaya’t paborito ito hindi lamang ng mga matatanda kundi ng mga bata.
Mas masarap din kung fresh ang gagamiting kalamansi kaysa sa mga powder. Bukod sa vitamin C na makukuha sa kalamansi, isa rin ito sa maaaring gamitin upang ang ilang problema sa katawan ay masolusyunan.
Nakapagpapa-stimulate ito ng production ng white blood cells at nakatutulong upang maiwasan ang epekto ng free radicals dahil sa taglay nitong antioxidants at antibacterial properties.
Nakita rin sa ilang pag-aaral na nakapagpapababa ng lebel ng cholesterol ang calamansi juice. Nakatutulong din ito upang maiwasan ang metabolic syndrome. Nakatutulong din ang calamansi juice upang maiwasan ang inflammation, ulcers at acid reflux.
Sa mga nagpapapayat naman, mainam naman ang uminom ng calamansi juice dahil nakatutulong ito upang mabawasan ang mabigat na timbang. May abilidad ang nasabing prutas na mapalakas ang metabolism at matanggal nito ang mga toxin sa katawan na nagiging sanhi ng pagtaba o sobrang timbang.
Kung gusto mong makuha ang benepisyo ng calamansi juice, ugaliin ang pag-inom nito sa umaga.
Kung problema mo naman ang maitim na siko at singit, hindi mo na kailangan pang gumastos ng malaki dahil isa rin ang kalamansi sa maaari mong magamit. Bakit ka nga naman gagastos ng malaki kung sa kusina lang, may magagamit ka na para masolusyunan ang pinoproblema mo sa katawan.
Ang kalamansi juice ay matatawag na natural bleaching agent kaya’t nagagawa nitong mapaputi ang siko at kili-kili. Mainam din ito para maiwasan ang wrinkles at iba pang senyales ng pagtanda.
Kaya naman, maituturing na nating best friend ang kalamansi dahil sa kagandahang naibibigay nito sa ating katawan at maging sa ating kutis. Kung mayroon ka nga namang hyperpigmentation problems sa tuhod, elbows, armpits at under eye circle, maaari mong gamitin ang kalamansi para maibsan ang problemang ito.
Hiwain lamang ang kalamansi at tanggalin ang buto nito, ipahid ito sa maitim na siko at tuhod bago maligo. Hayaang nakababad ng 5 hanggang 10 minuto. Regular itong gawin hanggang sa pumuti ang inyong mga black spot sa katawan lalo na ang tuhod at siko.
Bakit ka pa nga naman gagastos ng malaki kung may mga simple at murang paraan naman na magagamit sa pagpapaganda. (photos mula sa google) CT SARIGUMBA
Comments are closed.