IGINIIT Senador Francis ‘Tol’ Tolentino na dapat na pag-isahin ang mga pondong may kinalaman sa pabahay sa ilalim ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD).
Ginawa ni Tolentino ang pahayag sa kainitan ng pagtalakay ng Senate Committtee on Finance sa panukalang P3.683-B budget ng DHSUD, kung saan natuklasang higit sa P25.1 bilyong pondo na may kinalaman sa pabahay ang nasa ilalim ng iba’t ibang ahensiya imbes na mapunta ito sa departamentong pinamumunuan ni Sec. Eduardo del Rosario.
Isinusulong ni Tolentino ang realokasyon ng multi-bilyong pondo patungong DHSUD upang matugunan ang inaasahang 6.57 million backlogs para sa programang pabahay ng administrasyong Duterte pagsapit ng taong 2022.
Bagaman P77.060 bilyon ang inihaing panukalang budget ng DHSUD para sa susunod na taon, P3.683 bilyon lamang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) sa 2021 National Expenditure Program na isinumite nito sa Kongreso.
Ipinaalaala ni Tolentino sa kanyang mga kasamahan na dapat lamang bigyan ng mas malaking pondo ang pabahay dahil ang tahanan ang nagsisilbing pangunahing proteksiyon ng bawat indibiduwal laban sa pandemyang dala ng COVID-19.
“It has been stressed over and over that the first line of defense against COVID-19 is your house. But how can you lock down if you don’t have a house of your own? How can we implement a massive housing program if you don’t have a housing budget? We really need more fund for the Department of Human Settlements,” ani Tolentino.
Dahil dito, pinayuhan ni Tolentino si Del Rosario na sumulat ng pormal na liham sa ibang mga ahensiyang may alokasyon din sa pabahay upang mapag-isa ang nasabing mga pondo sa ilalim ng DHSUD, gamit ang mandato sa ilalim ng Republic Act No. 11201, partikular na ang probisyon sa ilalim ng Section 7(G).
Puwede umanong isuko ng mga ahensiyang may pondo sa pabahay ang kani-kanilang mga alokasyon at ilaan ito para sa DHSUD kung ito’y tatrabahuhin ni Del Rosario. VICKY CERVALES
Comments are closed.