Ipinag-utos ni Senate Committee on Public Works chairman Senator Ramon Bong Revilla Jr. sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang paglinis ng mga basura at mga debris na kumalat sa mga kalsada at drainage system na dulot ng bagyong Enteng.
Ayon kay Revilla, ang mga nagkalat na debris tulad ng mga sanga, dahon, at mga basura na nagbabara sa drainage ay nagpapalala sa baha kaya dapat linisin agad.
Iginiit ng senador na dapat manatiling malinis ang water-outlets upang hindi maipon ang tubig at mabilis na humupa ang tubig sa mga binabahang lugar.
Kasabay nito ay inatasan na rin ni Revilla ang DPWH na siyasatin ang mga naglalakihang tarpaulin-bill boards at agarang ibaba bago pa man manalasa ang bagyo dahil lubhang mapanganib ito sa kaligtasan ng taumbayan kung malakas ang hangin.
Bilang chairman ng Senate Committee on Public Works, madalas pinaalalahanan ni Revilla ang mga ahensya ng gobyerno na paghandaan ang mga tumatamang kalamidad sa bansa upang maiwasan ang malaking pinsala nito sa taumbayan.