KALBARYO SA KAWALAN NG TUBIG TULOY HANGGANG MAYO | Pilipino Mirror Pilipino Mirror
TUBIG-2

KALBARYO SA KAWALAN NG TUBIG TULOY HANGGANG MAYO

Ayon kay Jeric Sevilla, Head ng Corporate Communications ng Manila Water, tanging tag-ulan na lamang ang maaari nilang asahang makakaresolba sa problema sa kakapusan ng tubig.

Sinabi ni Sevilla na kompleto naman nilang nakukuha ang 1,600 milyong litro ng tubig arawaraw mula sa Angat dam subalit hindi na ito nakasasapat sa lumolobong residente sa kanilang nasasakupan. Dahil dito, napipilitan silang gamitin ang tubig mula sa La Mesa dam na dapat sana ay reserba lamang para sa panahon ng tagtuyot.

Sa ngayon, tiniyak ni Sevilla na magtutuloytuloy ang pagrarasyon nila ng tubig lalo na sa mga ospital kung saan 27 trucks ang kanilang inilaan para sa round the clock na pagbibigay ng tubig.

MANILA WATER CUSTOMERS PALAG NA SA KAWA LAN NG TUBIG

PUMAPALAG na ang mga customer ng Manila Water dahil sa nararanasang krisis sa supply ng tubig. Nasa 273 barangays sa Metro Manila at Rizal province ang apektado ng limang araw na water crisis dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa La Mesa dam na kasalukuyang nasa critical level.

Sa pag-iikot ng DWIZ sa Barangay Oranbo, Pasig at Barangka Itaas, Mandaluyong, kanya-kanyang diskarte ang mga residente sa pagkuha ng tubig.

Ayon kay Barangka Itaas Kagawad Jose Romulo Nario, halos hindi na natutulog ang mga residente para lamang makakuha ng tubig sa fire truck.

Palaisipan naman sa Pagasa at Metropolitan Water Sewerage System o MWSS kung paano humantong sa krisis sa tubig ang limang araw na kawalan ng supply ng mga customer ng Manila Water.

Ayon kay Rusy Abastillas ng PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section, hindi maaaring iugnay ang nararanasang service interruption ng Manila Water sa El Niño phenomenon.

Bagaman unti-unting bumababa ang lebel ng tubig sa La Mesa dam, nananatiling normal ang water level sa ilang dam tulad sa Angat na pangunahing pinagkukunan ng supply ng Metro Manila.

Nilinaw naman ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco na makailang ulit na niyang binanggit na “reserba” lamang ang La Mesa dam pero ipinagpatuloy pa rin ang pagkuha ng supply ng tubig mula rito na dapat ay magmula sa Angat.

Nagtataka rin si Velasco dahil tanging ang Manila Water ang mayroong service interruption pero wala namang nararanasan ang Maynilad na nasa west zone gayong sa Angat dam din naman ito kumukuha ng supply. Hindi rin aniya apektado sa ngayon ang Maynilad ng El Niño kahit pa “direkta” itong kumukuha ng supply ng tubig.

NWRB NANAWAGANG MAGTIPID AT MAG-RECYCLE NG TUBIG

Samantala, muling nanawagan ang National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na magtipid ng tubig upang maiwasan ang kakapusan ng supply.

Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., makakatulong para mapahaba ang suplay ng tubig kung tama ang magiging paggamit dito gaya ng pagre-recycle.

Aminado si David na dahil sa patuloy na paglobo ng populasyon ay kinakailangan nang makahanap ng iba pang maaaring pagkunan ng tubig upang maiwasan ang banta ng water shortage.

0

POST A COMMENT

Your email address will not be published. Required fields are marked *

ADS