Iginiit ng Trabaho Partylist na kasabay dapat ng ‘momentum’ sa patuloy na paglikha ng trabaho ang pagtaas ng kalidad ng trabaho at benepisyo para sa mga manggagawang Pilipino.
Mabuti man ang ‘progress report’ ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paglago ng ekonomiya, paglutas ng kahirapan at paglikha ng trabaho, ngunit isinusulong ng Trabaho Partylist na dapat itaas din ang kalidad ng trabaho at benepisyo.
Kasama rito ang mga pagpasa ng panukala upang makapaghandog ng disenteng kita, dagdag benepisyo, at pangangalaga sa seguridad ng mga manggagawang Pilipino.
Sang-ayon ang tagapagsalita ng Trabaho Partylist na si Atty. Filemon Ray L. Javier sa pahayag ni Pangulong Marcos na ‘balewala ang lahat ng ating ginagawa kung walang pagbabago sa buhay ng Pilipino.’
Bilang suporta sa direksyon ng administrasyon, iginiit ni Atty. Javier na mananatiling plataporma ng Trabaho Partylist ang pagtaas ng antas ng pamumuhay ng mga manggagawa dahil ‘di dapat tumitigil sa magandang ulat sa ekonomiya ang pagsulong ng interes ng sektor.
Suportado rin ng Trabaho Partylist ang polisiya ng administrasyong Marcos na mag-invest sa mga tinatawag na job-generating infrastructure at social protection programs, pati na rin ang mga programa sa kalusugan at edukasyon.
Giit ng Trabaho Partylist, ‘di lang dapat datos ang umangat kundi pati na rin ang mga benepisyong direktang mapapakinabangan ng milyon-milyong manggagawang Pilipino.
###