HIGIT isang dekada na mula nang una nating ihain ang isang panukalang batas na naglalayong gawing institutioinalized ang Magna Carta of Filipino Seafarers. Inihain natin ito Hulyo pa ng 2007, noong tayo ay congressman pa lamang ng aming lalawigan ng Aurora.
Mula noon, naging masugid na po tayo sa paghahain ng panukalang ito dahil nakikita natin ang kahalagahan ng pagsiguro sa kapakanan ng ating mga mandaragat, bilang sila ang pundasyon ng pandaigdigang maritime industry dahil sa napakalaki nilang bilang.
Nitong 2022 nga po, halos kalahating milyong Pinoy seafarers na ang ating na-deploy. Ibig sabihin, sila ang kumakatawan sa 25 percent ng kabuuang bilang ng seafarers sa buong mundo.
At dahil dito, tulad nga ng sinabi natin, kailangang siguruhin ang kanilang kapakanan saan man sila nakadestino — kailangang tiyakin na hindi natatapakan ang kanilang karapatang pantao, naipatutupad ang mga umiiral na international at local laws na nangangalaga sa kanila at sumisiguro sa kanilang kaligtasan sa kanilang kinaroroonan.
At bago nga po nag-session break ang dalawang sangay ng Kongreso (Kamara at Senado) nitong Setyembre, ipinasa po sa Senado ang panukalang ito – ang Magna Carta of Filipino Seafarers. Noong nakaraang Marso naman, ipinasa na rin ng Mababang Kapulungan ang sarili nilang bersyon ng nasabing panukala, na certified as urgent ni Pangulong Marcos. Dahil diyan, naniniwala tayo na malapit nang maging batas ang panukala nating ito.
Sa ilalim ng ating bill, inisa-isa ang mga karapatan ng ating seafarers tulad ng: Karapatan sa makatarungang terms and conditions sa kanilang pinapasukang trabaho; Karapatan sa self-organization at collective bargaining; Karapatang magkaroon ng educational advancement and training na gagagstusan nila sa abot-kayang halaga; Right to information; Karapatang maipaalam sa kanila ang kalagayan ng kaanak o ng pinakamalalapit na kaanak; Karapatan sa isang ligtas na pagbibiyahe; Karapatan sa konsultasyon; Karapatan laban sa anumang uri ng diskriminasyon; Karapatang mapagkalooban ng tulong legal; Karapatang mabigyan ng agarang tulong medikal; Karapatan sa komunikasyon; Karapatang makakuha ng record of employment o certificate of employment; at ang Karapatan sa patas na pangangalaga sa kanila sakaling maaksidente sa barko.
Para sa mga kababaihan namang sakop ng maritime industry, sinisiguro rin ng panukala na protektado sila mula sa anumang uri ng diskriminasyon.
Malinaw ring isinasaad sa panukala na ang bawat seafarer ay kailangang tumalima sa inilalahad na terms and conditions ng kanilang trabaho. At bukod sa mga kadete pa lamang, ang minimum age for employment ng mga seafarer na papayagang umakyat sa barkong rehistrado sa Pilipinas at lalayag sa iba’t ibang panig ng mundo ay kinakailangang 18.
At bago payagang umakyat, ang mga seafarer ay kailangang makapagsumite sila ng kanilang medical certificate na inisyu ng alinmang DOH-accredited medical facility. Tanging mga mandaragat lamang na sertipikado ng mga nauukol na ahensiya ng gobyerno ang papayagang makapagtrabaho sa barko, base sa iniaatas ng International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seaferers.
Upang mapangalagaan naman ang seafarers mula sa posibleng eksploytasyon, tanging mga lisensyadong manning agencies lamang ang pinapayagan sa recruitment at placement ng ating seafarers. Ang standard employment contract naman sa pagitan ng shipowner at ng overseas seafarer ay kailangang may kasulatan kung saan kabilang ang lahat ng impormasyon tulad ng kung hanggang kailan ang kontrata; ang maximum hours of work at minimum hours of rest; ang mga matatanggap na benepisyo; kompensasyon at benepisyo na matatanggap ng isang searfarer sa sandaling ito ay maaksidente, magkasakit o pumanaw habang naka-duty; ang separation at retirement pay na nakalaan para sa isang seafarer.
Nakasaad din sa panukala na kailangang mabigyan ng normal work hours ang seafarers na umaabot ng 8 oras, isang araw na pahinga sa loob ng isang linggo, at bayad sa kanilang annual o taunang work leaves. Inaatasan ang mga barkong kinaroroonan ng mga mandaragat na maging patas sa paglutas sa anumang reklamo ng seafarers.
Sa panahon ng repatriation, tulad ng epidemic o pandemic, inaatasan ang shipowners o ang manning agencies na balikatin ang gastusin ng seafarers tulad ng kanilang gamot, board and lodging para sa mga araw kung saan naka-quarantine ang mga ito.
Aatasan din ang OWWA na magtalaga ng seafarer welfare centers sa mga major crew-change ports upang maibigay sa seafarers ang kanilang mga pangangailangan.
Ang DMW naman at ang MARINA ay kinakailangang may talaan ng lahat ng Filipino seafarers kung saan nakalahad ang lahat ng impormasyon tungkol sa mga ito na magagamit para sa anumang oportunidad na maaaring ibigay sa kanila.