MAGPUPULONG ngayong Lunes ang Department of Health (DOH) at Food and Drugs Administration (FDA) para sa planong pag-regulate sa vape o e-cigarettes.
Kasunod ito ng pagkakasugat ng isang 17-anyos na binatilyo na nasabugan sa kanyang bibig ng ginagamit na vape.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang FDA ang nagre-regulate sa mga naturang produkto bilang medical products dahil sa taglay nitong nikotina.
Nilinaw naman nito na hanggang sa ngayon ay wala pang device o e-liquids na rehistrado o napag-aralan ng FDA para alamin ang kaligtasan, efficacy at kalidad nito.
Tiniyak ng kalihim na iniimbestigahan na nila ang naturang insidente upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagsabog ng vape at kung paano ni-re-regulate ang paggamit nito.
Matatandaang Oktubre 30 nang masabugan ng vape sa bibig ang isang binatilyo matapos umanong makipag-swap ng baterya nito sa isang kakilala sa social media, sanhi upang ma-confine ito sa East Avenue Medical Center (EAMC) dahil sa tinamong sugat sa labi, oral mucosa, palate, at dila, at sunog at hematoma sa upper at lower eyelids.
Nag-deactivate na ng account ang naturang kakilala ng biktima matapos ang insidente.
Hinikayat din ng DOH ang publiko na maging vigilante sa pagbili ng mga produkto sa internet tulad ng e-cigarettes at vaping devices, na battery-operated.
Babala pa ng DOH, ang vaping devices ay maaaring magdulot ng matinding pagkasunog at pagkasugat na maaaring mangailangan ng matagalang gamutan.
Pinayuhan pa ni Sec. Duque ang mga magulang at guardians na pigilan ang kanilang mga menor de edad na anak sa paggamit ng e-cigarettes at vapes at pagbili nito sa pamamagitan ng social media.
Binigyang-diin ng DOH na ang naturang devices ay hindi laruan dahil nagtataglay ito ng mga ‘concomitant health at safety hazards’ at kalaunan ay maaaring makahikayat pa sa mga kabataan na manigarilyo.
Hinikayat din nito ang mga medical practitioner, hospital facilities at maging ang publiko upang i-report ang mga pagkasugat at aksidente na may kinalaman sa paggamit ng e-cigarettes at vapes sa kanilang online national electronic injury surveillance system, sa pamamagitan ng pagtawag sa DOH hotline na (02) 711-1001 hanggang 02.
“We will continue to investigate about the safety and health issues of these devices and their online selling with the help of the Food and Drug Administration and the Department of Trade and Industry,” ayon pa sa DOH.
“FDA regulates e-cigarettes as medical products because of its nicotine content and no device or e-liquids have been registered nor evaluated by the agency for safety, efficacy and quality,” dagdag pa nito. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.