PLANONG kumuha ng Department of Education (DepEd) ng kahit isang security personnel kada paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at iba pang non-teaching personnel.
Ang pahayag ay ginawa ni DepEd Spokesperson Michael Poa matapos makaranas ng sekswal na pang-aabuso ang apat na elementary teachers sa Ocampo, Camarines Sur noong Agosto 9.
Batay sa inisyal na impormasyon, naghahanda para sa pagbubukas ng klase ang mga guro nang pumasok sa paaralan ang isang armadong lalaki at ginahasa ang mga biktima.
Dahil dito, sinabi ni Poa na lalagda sila sa isang agreement kasama ang iba pang ahensiya upang magkaroon ng guwardiya ang mga pampublikong eskuwelahan.
Agad namang kinondena ng DepEd ang pangyayari. “We denounce any acts of violence and injustice towards our teachers, who have been showing their dedication and effort to deliver equitable, resilient, inclusive, and quality education to our learners,” ayon sa pahayag.
Tinutugis na ang nasabing suspek.