KALIGTASAN NG MGA PILIPINO HUWAG ILAGAY SA ALANGANIN—BONG GO

MAHIGIT  isang linggo matapos ang aberya na dulot ng ‘technical glitch’ na nagpahirap sa libo-libong pasahero sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City, nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulang awtoridad na makipagtulungan upang matiyak na hindi na ito maulit.

Sa pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Public Services noong Huwebes, Enero 12, binigyang-diin ni Go, na miyembro ng nasabing komite, ang kahalagahan ng pagpapahusay ng air traffic control ng bansa, na binanggit kung paano maaaring lumikha ng domino effect ang maliit na aberya na hindi lamang nagdudulot ng pinsala sa mga pasahero ngunit nakaaapekto rin sa bansa sa kabuuan.

“I agree with my colleagues that this is a serious issue that could have had grave national security implications. It is unacceptable that critical elements of the country’s transportation system could just shut down due to a damaged circuit breaker. Dahil dito, down po ang buong Philippine air space, paralyzed agad tayo,” pahayag ni Go, Vice Chair ng Senate Committee on Defense.

“Huwag natin ipahiya ang ating bansa. Napakalaki po ng epekto nito hindi lang sa mga pasahero kundi pati na rin sa buong bansa. May implikasyon ito sa negosyo, sa turismo at sa buhay po ng bawat Pilipino. Nagpakahirap po si Pangulong (Ferdinand) Marcos (Jr.) na makakuha ng investments mula sa ibang bansa, kaya huwag nating sayangin ang pinaghirapan natin dahil gusto nating tuluyang makabangon muli ang ekonomiya,” pagbibigay diin nito.

Nitong Bagong Taon, inihayag ng Manila International Airport Authority (MIAA) na ang mga flight papasok at palabas ng Maynila ay itinigil dahil sa ilang mga teknikal na problema sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Air Navigation Facilities.

Ayon sa CAAP, 282 flight ang naantala, nakansela, o na-divert sa iba pang regional airports, na nakaapekto sa humigit-kumulang 56,000 pasahero sa NAIA.

“Huwag nating ilagay sa alanganin ang kaligtasan po ng Pilipino at ng bansa dahil sa maaaring kapabayaan ng iilan.

Ayaw ko pong magsisihan tayo dito pero kailangan po ng taumbayan ng paliwanag kung ano ba ang nangyari, ano ang nabayaan, at kung sino po ang dapat managot, at ano pa ang puwede nating gawin para maiwasan ang pangyayaring ito,” ayon kay Go.

“The government has the obligation to its citizens to explain what happened, especially to those (who) were affected.

Bigyan ng paliwanag at hingin ang pagpapatawad ng mga pasaherong na-stranded, naghintay ng buong araw, at mga natulog sa airport. Ano ba ang pwedeng gawin para hindi na ito maulit?” tanong nito.

Ipinanukala nito na pag-aralan ang Air Passenger Bill of Rights at tingnan kung ano pa ang dapat na ayusin upang maiwasang maulit ang nasabing NAIA mess. Sa ilalim ng APBR, ipinag-uutos nito ang karapatan ng pasahero na mabayaran kung sakaling maantala o makansela ang mga flight.

“In times like these when neither the airline nor the passenger is at fault, compensation must be provided by the government. We have a budget for this in 2023 under the Civil Aeronautics Board amounting to P147 million. So, we must ask about their plan as to where to use this budget. Kung hindi pa ngayon, saan nila planong gamitin ang budget na ito?,” tanong pa ni Go.

Patuloy itong nanawagan sa airport officials na patuloy na tulungan ang mga apektadong pasahero.

“I understand that the airlines are also victims in this fiasco. Transport authorities should have anticipated the influx of passengers since it’s the holiday season and employed additional personnel and services to assist passengers. Dapat po tinulungan din po natin ang ating airlines sa pag-asikaso dahil sa totoo lang, hindi rin po nila ito kasalanan,” himok ni Go.

“Pinaghirapan po ng Duterte Administration ang pag-improve ng ating air transport system. Hindi lang itong Communications, Navigation, and Surveillance – Air Traffic Management or CNS-ATM which we started using in 2019. To decongest our airports, especially NAIA, the DOTR, led by then Secretary Tugade, constructed new airports and improved existing ones,” saad ni Go.