ANG kaligtasan ang isa sa mga pangunahing isinasaalang-alang ng mga Filipino sa pagdedesisyon kung magpapabakuna ba o hindi laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang lumitaw sa huling pag-aaral na isinagawa ng Veritas Truth Survey sa may 1,200-respondents sa buong bansa, sa pamamagitan ng text at online data gathering simula Enero 4 hanggang 22.
Batay sa resulta ng VTS, nasa 67% ng mga mamamayan ang mas isinasaalang-alang ang safety o kaligtasan sa epekto ng COVID-19 vaccine sa katawan ng tao.
Nasa 17% naman ang mas prayoridad any efficacy o bisa ng bakuna, habang walong porsiyento ang nais munang malaman ang country of manufacture o bansa kung saan ginawa ang gamot.
Lumabas din sa pag-aaral na nais din munang malaman ng anim na porsiyento ng mamamayan ang pagpapatotoo ng mga naunang nabakunahan at dalawang porsiyento naman sa layunin ng paggamit nito.
Ayon kay Bro. Clifford Sorita, chief strategist ng VTS, kinakailangan muna ng pamahalaan na bigyan ng malinaw na impormasyon at paliwanag ang publiko upang makuha ang tiwala at maging matagumpay ang vaccination program ng bansa laban sa COVID-19.
“To build trust and confidence in our vaccination efforts, government should provide the public with easily understandable scientifically based information and ensure everyone’s concerns are addressed easily and often,” ayon kay Sorita.
Samantala, binigyang-diin naman ni Fr. Anton CT. Pascual, pangulo ng Radio Veritas, ang kahalagahan ng Bio-ethics sa mga vaccination plan, gayundin ang dapat na pagsasaalang-alang sa mga mahihirap na higit na nangangailangan nito.
Ang naturang survey ay inisyatibo ng church-run Radio Veritas.
Layunin nitong malaman ang mga dahilan at isinasaalang-alang ng publiko sa pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Sa mga pinuno sa buong mundo, kabilang sa mga naunang nagpabakuna laban sa virus sina US President Joe Biden, Queen Elizabeth at Prince Philip ng Britanya, at sina Pope Francis at Pope Emeritus Benedict the XVI. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.