KALIGTASAN SA NUCLEAR ENERGY PINATITIYAK

DAPAT tiyakin ng pamahalaan ang kaligtasan sa potensyal na paggamit ng enerhiyang nukleyar  habang isinusulong ng bansa ang patuloy na paghahanap ng energy source.

“Dapat tiyakin ng gobyerno ang kaligtasan sa paggamit ng nuclear energy bilang paraan ng paggawa ng koryente. Ang kaligtasan ay dapat na pinakamahalaga at kailangang magkaroon ng nuclear law sa bansa upang matiyak ang ligtas na paggamit ng enerhiyang nukleyar,” ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ang pahayag ng senador ay kasunod ng paglagda ng Estados Unidos at Pilipinas sa isang nuclear cooperation pact kung saan tatanggap ang bansa ng mga pamumuhunan at suporta sa teknolohiya para tulungan ang bansa na makalipat sa paggamit ng mas malinis na enerhiya.

“Dapat lalo pang palakasin ang kumpiyansa ng publiko sa paggamit ng enerhiyang nukleyar at kailangang tiyakin nang husto ang kaligtasan at transparency upang makamit ang makabuluhang pag-unlad ng enerhiyang nukleyar sa bansa,” ani Gatchalian.

Ang senador ay naghain ng isang resolusyon noong nakaraang taon upang alamin ang mga aktibidad, output, at mga nagawa ng Nuclear Energy Program Inter-Agency Committee at ang rekomendasyon nito para sa bansa na simulan ang isang nuclear power program.

Iginiit ng senador na dapat ding tiyakin ng gobyerno ang pagsunod sa mga pandaigdigang pamantayan.

Noong Marso noong nakaraang taon, pinagtibay ng gobyerno ang isang pambansang posisyon at pormal na muling inilunsad ang nais nitong isama ang nuclear power sa mga pinagkukunan ng enerhiya ng bansa, na nagdulot ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko.

Sa kasalukuyan, inaayos na ng Department of Energy (DOE) ang 19 na isyu sa imprastraktura na may kaugnayan sa pag-adopt ng nuclear energy alinsunod sa Milestones Approach ng International Atomic Energy Agency (IAEA), na nagsusulong ng ligtas na pamamahala ng radioactive waste na nanggagaling sa paggamit ng mga teknolohiyang nukleyar, kabilang ang nuclear energy.

Ang mga pamantayan ng IAEA sa kaligtasan ay nagbibigay ng mga pangunahing rekomendasyon upang matiyak ang kaligtasang pang-nukleyar.

Samantala, hindi pa nararatipikahan ng Pilipinas ang Convention on Nuclear Safety, ang Joint Convention on the Safety of Spent Fuel Management, at ang Amendment sa Convention on Physical Protection of Nuclear Material.

VICKY CERVALES