KALINGA AT DISENTENG BUHAY SA ‘NO WORK, NO PAY WORKERS’ ISUSULONG NG LUNAS PARTYLIST

ITONG ‘no work, no pay’ principle sa sektor ng paggawa ay isa sa mabigat na pasanin ng mga karaniwang trabahador at arawang manggagawa.

Ang sektor na ito na kabilang ang mga construction worker, driver, konduktor, mga trabahador sa sinehan, pub house, bar, teatro at iba pang katulad ay kaawa-awang biktima ng kawalang pag-asa.

Paano ang kanilang pamilya: walang pambili ng bigas, para sa gatas at gamot ng maysakit na anak at kapamilya, at kaninong kamay ng Diyos, kukuhanin ang pantustos sa araw-araw na mabigat na bayarin?

Kung may lockdown, o may bagyo, kalamidad o anomang emergency, kanino sila tatakbo upang humingi ng tulong?

Isa ito sa malaking problema na nakakalimutang pag-usapan at tila walang nagbibigay-pansin, lalo na ngayong may krisis sa kabuhayan, dulot ng pandemyang COVID-19 na marami ang nawalan ng ikinabubuhay at hanapbuhay.

Paano pa kung wala na ngang makain, wala nga kahit singkong duling, may kapamilya pang tatamaan ng COVID-19?

Walang batas na nagbibigay kalinga at tulong sa mga trabahador, arawang manggagawa sa sektor ng ‘No Work, No Pay.’

Walang batas na nag-uutos sa employer na patuloy na suwelduhan ang kawani sa sitwasyong hindi nila kasalanan, tulad ng lockdown o dahil sa kalamidad ay hindi nakapasok sa trabaho.

Walang maliwanag na tuntunin o gabay ang Department of Labor tungkol sa kalagayan ng mga ‘No Work, No Pay Employees’ – na marami sa kanila, hindi kasapi ng SSS, hindi kasali sa labor union na nagpoprotekta sa kanilang karapatan sa paggawa.

Hindi obligado ang employer na tulungan ang kawaning hindi nagtrabaho. Sa prinsipyo na hindi ka nagtrabaho, wala kang suweldo!

Walang legal na obligasyon o pananagutan sa batas kung hindi pasahurin ang kawaning hindi nagtrabaho dahil sa lockdown, o dahil sa mga dahilang hindi gawa o kontrolado ng empleyado.

o0o

Kailangan na ng mga batas para sa mga kauring arawang manggagawa o kawani na nalagay sa sitwasyong gustong kumita sa araw ng trabaho pero walang magawa, tulad ng pagsasara ng kompanya dahil sa utos na lockdown ng gobyerno.

Utos ng gobyerno pero walang tulong ang gobyerno sa mga taong apektado?

Ito ang mga problema at sitwasyong ninanais na malunasan ng bagong LUNAS partylist na lumalahok sa unang pagkakataon ngayong eleksiyon sa Mayo 2022.

Kailangan ng batas para sa proteksiyon ng buhay ng mga ganitong manggagawa ang isusulong ng LUNAS, sabi ni Brian Yamsuan, 1st nominee ng partylist.

May inihahanda na sila na mga panukalang batas na magbibigay ng employees insurance sa panahon ng kawalan ng trabaho gawa ng lockdown, kalamidad at iba pang katulad na sitwasyon.

Sabi ni Yamsuan, batas para sa mabilis na ayudang pinansiyal ang kailangang maibigay sa ‘No Work, No Pay’ mula sa employer at sa gobyerno.

Kung nabibigyang proteksiyon ang regular na kawani, lalo na ang mga contractual worker, mga talented artists, mga cook, mga karaniwang trabahador, paliwanag ni Yamsuan.

“Mga ganitong proteksiyon at obligasyon ang isusulong ng LUNAS partylist sa Kongreso. Dapat walang luhaang trabahador na uuwi sa panahon ng lockdown,” sabi ni Yamsuan na dating deputy secretary general sa panahon ni Speaker Alan Peter Cayetano.

“Bisig ng manggagawa ang lakas at dynamo ng mga industriya ng entertainment at iba pang patrabaho.

Atin silang kakalingain, atin silang ipagtatanggol at bibigyan ng karapatan sa disenteng pamumuhay.

Iyan ang advocacy ng LUNAS partylist. Samahan n’yo kami sa Kongreso sa Mayo (2022),” sabi ni Yamsuan.

o0o

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinynon ay mag-email lang sa [email protected].