KALINISAN NG EL NIDO DAPAT BANTAYAN

Magkape Muna Tayo Ulit

NAGPAHAYAG si Department of Tourism (DOT) Sec. Bernadette Romulo-Puyat na pagtutuunan niya ng pansin ang ilan sa mga kilalang beach destinations sa ating bansa upang suriin kung sila ba ay sumusunod sa mga polisiya at alituntunin ng ating gob­yerno upang pan-atilihin ang kalinisan at protektahan ang kalikasan sa  nasabing mga lugar.

Alam naman natin ang nangyari sa isla ng Boracay kung saan ang kuntsabahan ng mga resort owner at lokal na pamahalaan ay nag­resulta sa pagsira ng natural na kalikasan ng Boracay. Tumaas din ang lebel ng tinatawag na coliform bacteria sa karagatan ng Boracay na sanhi ng walang habas na pag-tatapon ng basura at dumi sa dagat.

Ngayon naman ay inilantad ni Sec. Puyat na mayroon pa ring mga lokal na opisyal na pasaway sa mga pangako nila na tutulungan ang ating pama-halaan na bantayan ang mga resort owner na kanilang nasasakupan upang sumunod sa pagsasaayos ng kalinisan ng ating kalikasan.

Partikular na tinukoy ni Sec. Puyat ang El Nido sa Palawan. Nagbanta ang kalihim na ipasasara ang mga indibidwal na resort pati na ang nasasa-kupang  beach ng lokal na pamahalaan kapag hindi sumunod sa utos ng ating pamahalaan. Binigyan ng palugit ni Puyat ang LGU ng El Nido at ang mga resort owner na hanggang Mayo 30, kung hindi ay pasensiyahan na lang tayo.

Sa mga hindi pa nakapupunta sa El Nido, ito ay isang napakagandang lugar sa Palawan. May mga magagandang isla na makikita sa El Nido. Subalit hindi ang mga isla ang tinutukoy ni Sec. Puyat dito. Ito ay ang mga nagsulputang resorts sa mainland ng El Nido na nag-aalok ng ‘island hopping’ sa nasabing lugar.

Ang mga iba kasi sa atin ay inihahambing sa kanilang pag-iisip ang hitsura  ng El Nido na tulad ng isla ng Boracay. Hindi po ganito sa El Nido. Ang mga regular na turista ay bumabiyahe mula sa Puerto Princesa sa pamamagitan ng sasakyang panlupa pa­punta sa munisipiyo ng El Nido.

Pinag-aaralan na ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng isang presidential executi­ve order na i-takeover ang ano mang LGU sa pamamahala ng kanilang tourist spots. Magkakaroon ng isang inter-agency management team na magkakaroon ng representasyon mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), DOT, kaugnay na LGU at mula sa pribadong sektor.

Huwag sanang balewalain ang bantang ito ni Sec. Puyat. Matatandaan ang desisyon ni Pangulong Duterte na ipasara at ayusin ang Boracay. Marami ang hindi makapaniwala sa pangyayaring ito ngunit may political will ang administrasyon ni Duterte at ipinatupad ito. Marami ang nagreklamo subalit hindi bumigay ang ating pamahalaan. Tingnan ninyo ang Boracay ngayon. Maayos at malinis na!

Kaya payo ko lamang sa mga opisyal ng mga LGU at resort owner na apektado sa banta ni Sec. Puyat, umaksiyon na kayo. Huwag na kayong  umasa na lilipas ito. Habang pinatatagal ninyo, mas lalala ang lugi ninyo sa negosyo. Parang sa-kit na kanser lang ‘yan. Mas mada­ling magamot habang maaga pang madiskubre ang sakit. Kapag napabayaan, mas mahirap nang ayusin ito.

Comments are closed.