INAASAHAN ang pagka-buhol-buhol ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 dulot ng nakatakdang rigodon ng mga Airlines na ipapatupad ng Manila International Airport Authority (MIAA) ngayong buwan.
Ayon sa report, simula ngayong ililipat ng MIAA sa Terminal 1 ang mga flight ng Philippine Airlines (PAL) papuntang Canada, United States, Middle East at Bali (Denpasar) habang ang mga domestic flight ng Air ASIA ay ita-transfer naman sa NAIA Terminal 3.
Dahil dito, ayon sa pamunuan ng MIAA ay asahan na ang may 7,000 pasahero ng PAL na palabas ng bansa ang makikipagsiksikan ngayon sa departure area ng NAIA Terminal 1.
Samantala, napagkasunduan din ng MIAA Airport Security Committee (ASC) na tanggalin muna ang initial screening sa mga terminal upang maibsan ang mahabang pila sa check-in counter sa mga paliparan.
Ayon pa sa impormasyon, ito ay antisipasyon sa inaasahan pagdagsa ng mga pasahero papasok at palabas ng bansa sa kalagitnaan ng Disyembre. FROILAN MORALLOS