UMAASA ang isang ranking leader ng minority bloc sa Kamara de Representantes na sa pamamagitan ng multi-billion Kaliwa Dam project ay malulutas na ang problema sa kakulangan ng suplay ng tubig hindi lamang para sa mga residente ng Metro Manila kundi maging ang kinakailangang irigasyon ng mga taniman sa ilang bahagi ng Luzon region.
Kasabay nito, binigyan-diin ni House Deputy Minority Leader at Probinsyano Ako partylist Rep. Jose “Bonito” Singson Jr., na mayroon pang ibang mga kaparaanan na maaaring maipatupad ang pamahalaan upang matugunan ang lumalaking pangangailangan sa ‘potable water and farm irrigations’.
“Our impending water crisis can have several possible, less costly solutions. For example Water impounding areas strategically located can be part of the solution. Cost-benefit should always be balanced,” ayon sa Probinsyano Ako partylist solon.
Ginawa ni Singson ang pahayag bilang reaksiyon sa naging babala ni National Security Advier Hermogenes Esperon Jr. na huli na kung hindi magkakaroon ng ‘long-term programs’ ang pamahalaan at private concessionaires upang makagawa ng panibagong ‘source’ ng tubig, at patuloy na makararanas ng ‘water supply crisis’ ang mga nasa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
“Until that time that we won’t be able to develop other resources, then we have the possibility of water shortages every now and then. So, there are short-range programs, there are long-term programs,” giit ni Esperon sa press briefing na ginanap sa Malaca-ñang kamakalawa.
Diumano, nagalit mismo si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa muling pagkakaroon ng problema sa suplay ng tubig sa Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon bunsod ng mababang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Isinisisi naman ni Esperon ang kabiguang ma-develop ang proyekto na makakuha sana ng 100 milyon litro ng tubig mula sa Laguna Lake para mai-suplay sa Metro Manila sa muling pag-usbong ng nasabing problema.
Aniya, maaari ring sanang makatulong ang pagsusulong ng Kaliwa dam o kaya ang Wawa dam project bilang karagdagang pagkukunan ng tubig.
Subalit pangamba ng house deputy minority leader, maaaring magdulot sa pagkasira ng malawak na bahagi ng kabundukan at iba pang natural na yaman ang konstruksiyon ng Kaliwa dam.
Kaya naman iminumungkahi ni Singson na huwag ilimita sa pagpapatupad ng ‘multi-billion dam project’ ang nais na maging solusyon ng pamahalaan sa ‘water supply crisis’ dahil naniniwala siyang mayroon pang ibang bagay na maaaring gawin gaya sa paglikha ng ‘water impounding areas’, na mas mura at hindi magreresulta sa malaking pagkasira ng kalikasan. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.