KALIWA’T KANANG PARTY (Paano nga ba paghahandaan?)

PARTY-1

HABANG papalapit nga naman ang holiday, hindi maiiwasan ang kaliwa’t kanang kasiyahan. Nariyan ang party sa opisina, mga kaibigan, magkakaklase o ka-batch, at pamilya.

At kapag may mga kasiyahan, hindi puwedeng mawala ang kainan at inuman. Nakasanayan na rin kasi nating mag­handa o isama sa ating mga ihahanda ang mga inuming nakalalasing.

Masarap nga namang magkuwentuhan habang may pinapapak na pagkain/sitsirya at iniinom. Mas nagiging mataginting ang ta-wanan sa tuwing may pinagsasaluhang inumin ang bawat magkakabarkada. At dahil isa ang inuming nakalalasing sa hindi puwe-deng mawala sa lamesa ninuman, hindi rin maiwasang maparami o mapasarap ang inuman.

Kaya naman, narito ang ilang simpleng tips para maging handa sa lahat ng pupuntahang party:

BAGO MAGTUNGO SA PARTY

Excited ang marami sa atin sa tuwing may pupuntahang party. Sa rami rin kasi ng pinagkakaabalahan natin sa pamilya at trabaho, kung minsan ay nawawalan na tayo ng panahong magsaya o ang lumabas.

Kaya’t malaking tulong ang mga pagtitipon para makapagpahinga ang marami sa atin. At siyempre, sa mga pupunta sa kaliwa’t kanang party, bago magtungo ay siguraduhing handa ang iyong katawan at isipan.

Bago umalis ng bahay ay kumain muna. O kaya naman, bago uminom ng alak ay siguraduhing mayroong laman ang tiyan nang hindi malasing kaagad at maiwasan ang hangover kinabukasan.

May ilan sa atin na idinaraan sa pulutan ang pagkain. Pero kung gutom ka o walang laman ang iyong tiyan, mas madali kang malalasing.

Kaya naman, para maiwasan ito, kumain muna bago sumabak sa inuman.

HABANG UMIINOM

Habang umiinom, isa naman sa mainam gawin ay ang pagkain ng pagkaing may sugar o matatamis. Ayon sa pag-aaral, ang fructose ay nakatutulong upang maibsan o ma-reduce ang risk ng hangover.

Importante rin ang pagpili ng alak na iyong iinumin. Hindi lahat ng available sa party ay puwede mong inumin.

May iba-ibang epekto ang iba’t ibang alak. Ang mga brightly colored alco-pops, iba’t ibang diet drinks at cocktails ay may malaking epekto sa katawan. Kaya iwasan ang mga ito. Ang subukan o kahiligan ay ang mga inuming clear gaya ng gin o kaya naman vodka. Mainam din ang wine.

Dahan-dahan din siyempre sa pag-inom. Hindi naman iyan contest o paramihan. Kaya hinay-hinay lang.

PAGKATAPOS UMINOM

Pahinga ang magiging bestfriend mo sa tuwing ikaw ay may hangover dahil dito kinakailangan ng katawan mo na maka-recover sa buong gabing pagpupuyat at pag-iinom mo ng alak. Mas mabuting magpahinga.

Pagkatapos mong uminom ng tubig at maligo, mas mainam na mag-ehersisyo gaya ng pagbibisikleta, swimming, o kahit anong makakapagpapawis sa iyo. Ito ay nakagagaan ng katawan at utak.

KARAGDAGANG TIPS

Bago, habang umi­inom at matapos uminom ng alak, siguraduhin ang pag-inom ng tubig. Makatutulong ito upang mapalitan ang mga nawalang tubig o likido sa katawan. Mas mas mabuti ring uminom ng fruit o vegetable juice. Matagal na panahon nang ginagamit ang ginger para maibsan ang nausea at vomiting. Kaya naman, mainam itong kainin kapag may hangover nang maiwasan ang nausea at vomiting.

Kapag may hangover, hindi natin maiwasang maghanap ng pain killers. Nais nga naman nating maibsan ang kung anumang discomfort na nadarama natin.

Gayunpaman, mayroong side effects ang pain killer. Kaya para maiwasan ang epekto nito, mainam kung natural na paraan na lamang ang iinumin gaya ng fruit juice, tubig o kaya naman ang pag-inom ng ginger tea.

Ngayon pa nga lang naman ay kaliwa’t kanang party na ang ating pinupuntahan.

Pero kailangan na­ting maging handa sa lahat ng pupuntahan natin lalo na kung mahihilig kayong uminom ng alak para na rin maiwasan ang hangover.

Kaya isaalang-alang ang ilang tips na ibinahagi namin. CT SARIGUMBA