UMAAPELA si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalatayang Katoliko na maging mahinahon at kalmado.
Ang pahayag ni Tagle, kasalukuyang nasa Geneva, Switzerland at dumadalo sa UN Conference on Migrants and Refugees, na inorganisa ni Pope Francis, Caritas Internationalis, World Council of Churcgs at iba pang grupo, sa gitna na rin ng mga salaysay ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa Panginoon at sa Kristiyanismo.
Sa kanyang dalawang pahinang liham, na para sa mga pari ng Archdiocese of Manila, sinabi ni Tagle na dapat na maging mahinahon lamang ang mga Katoliko sa lahat ng pagkakataon.
Aniya, binibigyang- diin naman ng Vatican na dapat igalang ng mga Katoliko ang mga hindi nila kaisa sa pananampalataya, pati na ang mga hindi naniniwala sa Panginoon.
Ayon kay Tagle, ang relihiyon ay hindi dapat ginagamit para mag-udyok ng hidwaan kundi para magsulong ng pagkakaunawaan at kapayapaan.
Paliwanag pa niya, ang pagkuwestiyon sa Panginoon at sa Kanyang mga gawa ay hindi na bago at katunayan, naging sentro na ito ng mga pag-aaral, pagninilay-nilay at paglilinaw ng doktrina.
Pero bilang positibong hakbang, hinihimok ng Cardinal na muling balikan ang nasabing isyu at maglatag ng akma at sensitibong tugon hinggil dito.
“Be at peace. Be calm. Don’t let things disturb your inner peace. Let us read the situation with the eyes of faith,” ayon pa sa Cardinal.
Pinaalalahanan pa nito ang mga Katoliko na palagiang magalak at ipagdiwang ang kanilang pananampalataya tulad ng habilin ni Pope Francis sa kanyang pinakahuling exhortation Gaudete et Exultate.
“Celebrate the faith! Fill up the churches! Sing loudly at mass. Pray fervently. Serve joyfully. Tell the world of God’s love for you. Be tools for Christ. Be at peace. God is the Savior. We do not need to save God. It is God who will save us!” anang Cardinal. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.