Kalsada at mga tulay sagot sa mataas presyo ng pagkain

eric yap

“KAPAG mabilis at madaling maibaba sa kalunsuran ang mga gulay at iba pang produkto ng mga bukirin, tiyak bababa ang presyo ng mga pagkain sa mga palengke at iba pang pamilihan.”

Ito ang pahayag ni ACT-CIS at Benguet Caretaker Eric Yap sa isang radio interview kamakailan hinggil sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin sa palengke.

“Mura po ang mga gulay sa Benguet pero dahil nahihirapan si farmer o trader ibaba sa bayan ang produkto , tumataas ang presyo nito pagdating sa merkado,” ani Cong. Yap.

Aniya, kung may mga maayos na kalsada at tulay na galing sa mga bukirin, madaling makapasok ang mga sasakyan doon at maibababa ang mga farm products na ito sa bayan.

Dagdag pa ni Yap, “ base sa obserbasyon ko sa amin sa Benguet, dalawa hanggang tatlong sakay, hindi pa kasama ang pagpapapasan ng tao o pagsasakay sa mga cart na hila-hila ng mga kalabaw ang mga gulay bago ito makarating sa merkado o sa Metro Manila.”

“Siyempre kailangan bayaran ‘yung nagpasan at pamasahe ng mga pagkaing ito para makarating sa palengke,” dagdag pa ni Yap.

Pero kung may maayos na mga kalsada at tulay, bababa ang presyo ng mga gulay sa Metro Manila na karamihan ay galing sa Cordillera tulad ng mga broccoli, cauliflower, pechay, Baguio beans, carrots at iba pa.

“Ito ang pinapaspasan ko na magawa, ang paglalagay ng mga sementado at maayos na mga kalsada sa buong Benguet,” pahabol pa ni Yap. PMRT

Comments are closed.