Kaluluwang Tambing

“Kami po’y kaluluwang tambing
Sa purgatoryo nanggaling
Kung kami man ay naliligaw
Sana ay inyong tulungan.
Kaluluwa’y dumaratal
Sa tapat ng Durungawan
Kampanilya’y tinatantang
Ginigising ang mga buhay
Kung kami po’y lilimusan
Dali-dali nga po lamang
At baka kami’y masarhan
Sa pinto ng kalangitan.”

Hindi ako takot sa multo kaya balewala sa akin si Freddie Kruegger at ang mga poltergeist.  If ever may multo, si Casper ang kilala ko.

Bukod diyan, masayang event sa pamilya namin ang bisperas ng Araw ng mga patay ” at “Araw ng mga Santo,” kaya ang selebrasyon ay tatlo hanggang apat na araw kung tutuusin — October 30, 31 at November 1 & 2. Yung October 30, araw ng paglilinis ng mga puntod. Yung October 31, araw ng pangangaluluwa at paggawa ng suman. Syempre, November 1 pupunta sa panteyon (cemetery) at mga puntod. At sa November 2 naman, araw ng pagpunta sa simbahan para hilingin sa mga santo na gabayan sa kabutihan ang mga buhay na nagdadalamhati sa pagpanaw ng mahal sa buhay.

Wala kaming Halloween party noong bata kami, pero nangangaluluwa kami. Parang carolling — yung kakanta ka sa tapat ng bahay pero hindi pera ang ibibigay kundi suman.

Hindi naman bukid ang kinalakhan kong lugar, pero masasabi kong ito ay languid and poetic. Yung walang nagmamadali sa umaga dahil mahuhuli sa opisina — wala ring traffic. Actually, inabot ko pa ang pagsakay sa kalesa noong 60s, panahong hindi pa ako nag-aaral.

Of course, nagsosoot din kami ng costumes, at ang paborito ko ay angel dahil madali lang hanapin sa baul ang puting damit, at madali lang gumawa ng pakpak. Minsan, multo — yung magdadala ka lang ng kumot na katsa, bu­butasan mo sa may mata, at multo ka na. Nagko-costume kami kapag na­ngangaluluwa, hindi kapag Halloween Party. Hindi candy o chocolate ang hinihingi ng mga bata kundi suman. Wala ring Jack-o’-lanterns o Frankenstein o nakakatakot na kuba. Walang bruha at walis, o kalansay na Kamatayang may hawak na karet,  at wala ring trick-or-treat.

Sa madaling sabi, hindi uso ang takutan. Ang natatandaan ko ay pagbabalot ng suman, paggawa ng mga paper flowers na isasama sa mga fresh flowers para magmukhang marami, at iba’t ibang kulay ng kandila. Nakahanda na rin ang mga rosaryo, estampita at mga dasalang dadalhin sa mga libingan, dahil maghapong magdarasal.

Pero ngayon, may videoke pa sa sementeryo. Parang may  song festival.

Noong ‘70s, hindi pa rin uso sa amin ang Halloween. Tradisyon pa rin sa amin ang pangangaluluwa. Mula ito sa salitang kaluluwa. Naniniwala kasi ang mga tagaroon sa amin na kapag November 1, pinapayagan ang mga kaluluwa sa Purgatorio na bumaba sa lupa upang dalawin ang kanilang puntod. Mas mara­ming dumalaw na nag-alay ng dasal, mas nag­liliwanag ang kanilang kaluluwa.

Kinabukasan, November 2, dumadalaw kami sa misteryong Lumang Simbahan upang mag-alay ng bulaklak at kandila sa mga santo.

Hindi ko na naririnig ngayon ang mga kanta sa pangangaluluwa ngunit natatandaan ko pa ang tono at liriko.

At ngayon ko lamang na-realize na dasal pala yung kanta.

Wala kaming gitara o tamborine habang na­ngangaluluwa. Acapella lang. Pero magaganda ang boses namin — sa kapa-practice siguro bago ma­ngangaluluwa.

Ang pinakamasayang parte ng pangangaluluwa ay kapag hinabol ka ng aso, matapos nakawin ang dumalagang manok. Bukod sa suman, kasama rin sa tradisyon ang pagnanakaw ng manok kaya pinababantayan ito sa aso.

Kapirasong  karne o tinapay lamang ang katapat ng aso at mananakaw na ang manok. Kapag nakapagnakaw ang mga na­ngangaluluwa ng manok, success na — pwede nang umuwi. Kinabukasan, ibebenta ang ninakaw na manok sa pinagnakawan, at tutubusin naman ito kapalit ng pera o isang bilaong suman.

Habang abala ang mga matatanda sa paggawa ng suman sa bisperas ng araw ng patay, may nakatoka namang magdasal at may nakatoka ring tagabigay ng suman.

Hindi na kami guma­gawa ng maraming suman ngayon, ngunit kahit paano, may suman pa rin sa bahay kapag All Souls’ Day. Iba-ibang klase: suman sa lihia o suman sa buli, sumang malagkit o kahit pa sumang cassava. Lahat, masarap.

Noong bata ako, dama ko ang excitement kapag malapit na ang undas. Undras ang tawag sa amin dito — ewan ko ba, iba yata talaga ang Tagalog sa Nasugbu.

Sa panahong ito, wala nang excitement. Wala na ring nangangaluluwa. Sa totoo lang, baka totoong multo na ang mga dating kasama kong nangangaluluwa. Kung nasaan man sila, iniwanan nila ako ng napakagandang alaalang babaunin ko hanggang sa aking kamatayan.

Walang Halloween noong panahon namin — dahil hindi naman atin ang Halloween. Isa itong Celtic festival na tinatawag ring Samhain, na ginagawa tuwing November 1, libong taon na ang nakalilipas.  Naniniwala sila tulad nating sa araw na ito, bumabalik ang mga kaluluwa kaya nagsosoot ang mga buhay ng costume para sila itaboy ang mga espiritu.

Sa Christian origins naman,  nagmula raw ito sa English words na “All Hallows’ Eve” — gabi bago ang Christian holy days na All Hallows’ Day (All Saints’ Day) sa 1 November at All Souls’ Day sa 2 Novembe

Summer’s end o pagtatapos ng tag-araw ang ibig sabihin ng Samhain, isang pagan religious ce­lebration.

Tinatawag din itong “holy evening,” dahil isa rin itong evening vigil bago ang Undas.

Sa mga kristiyano, ang Undas ay religious holiday tuwing November 2.

Nami-miss ko ang undas ng aking kabataan.

Wala na kasi ito. Parang multong nagdaan at hindi na babalik. At kung babalik man, marahil ay hindi pa sa panahong ito.

— NENET VILLAFANIA