HINIMOK ni Senator at Chair ng Senate Committee on Health na si Christopher “Bong” Go ang gobyerno na unahin ang kalusugan ng lumalaking populasyon ng bansa sa pamamagitan ng pag-aalok sa mga nakatatanda ng isang komprehensibo at pinahusay na programa sa nutrisyon.
“In principle po, suportado ko po ito. Importante po sa akin ang kalusugan. Isa po iyan sa aking adbokasiya, ‘yang health at sports. Maganda po ang hangarin ng panukalang batas,” saad ni Go sa ambush interview matapos na abutan ng tulong ang mga mahihirap sa Compostela, Davao de Oro noong Sabado.
“Suportado ko po ang anumang hakbang na magpapabuti po lalo na sa kalusugan at kapakanan ng ating mga senior citizens,” dagdag nito.
Ang Senate Bill No. 1799 at House Bill No. 7064, na naglalayong magbigay ng komprehensibong nutritional support sa mga matatanda, ay inihain sa 19th Congress.
Sa ilalim ng mga panukala, ang National Nutritional Council ay kinakailangan na lumikha ng “isang komprehensibong nutrisyon at wellness program para sa mga senior citizen na gagawing magagamit sa bawat munisipalidad.” Ang programang ito ay dapat na paunlarin sa pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Kalusugan at lokal na pamahalaan.
Ang mga LGU, sa pamamagitan ng kanilang mga lokal na eksperto sa kalusugan, ay dapat ding regular na bumisita sa lahat ng mga senior citizen sa ilalim ng kanilang nasasakupan upang matiyak na sila ay tumatanggap ng isang malusog na diyeta na naaayon sa nilalayon na programa at angkop para sa kanilang estado ng kalusugan.
“The more na pangalagaan po natin ang ating mga senior citizens. Sila po ‘yung matatanda na, sila po ‘yung vulnerable.
“At tayong mga Pilipino naman po’y family-oriented tayo. Nasa kultura na natin na inaalagaan talaga natin ang ating mga lolo at lola. Hindi katulad sa ibang bansa iniiwan na lang po sa home for the aged. Dito po, tayo hanggang sa pagtanda usually sinasamahan talaga natin ang ating mga lolo’t lola,” dagdag nito.