KALUSUGAN SA TULONG NG AYURVEDA, QIGONG AT TAI CHI

PATULOY tayong lumalaban sa hamon ng COVID-19 dahil mayroon pa ring pandemya at patuloy na nagmu-mutate ang virus. Siyempre, pangunahing pananggalang natin ang bakuna. Napakahalaga ring palakasin natin ang ating katawan para malabanan hindi lamang ang COVID kundi pati na rin ang iba pang mga sakit.

Maraming paraan upang gawin ito, nariyan ang pagkain ng masustansyang pagkain, pagkakaroon ng sapat na pahinga at tulog, pag-inom ng tamang dami ng tubig, pag-eehersisyo, pag-iwas sa alak at sigarilyo, pag-aalaga sa sarili upang maiwasan o mabawasan ang stress, at iba pa.

Isa sa tinatawag na alternative modality pagdating sa kalusugan ng ating katawan at isip ay ang pag-gamit ng mga konsepto sa ayurveda. Ito ay ang sistemang pangkalusugan na nagsimula sa India daan-daang taon na ang nakalilipas. Kung nais mong matutunan ang mga konsepto sa ayurveda, maaaring sumali sa seminar na “Orientation on the Prevention, Cure and Rejuvenation through Ayurveda”. Ito ay magaganap sa Linggo, ika-23 ng Oktubre mula alas-8 n.u. hanggang alas-5 n.h. sa Sandhi Ayurveda Clinic & Research Center, Mandaluyong City. Upang magparehistro o humingi ng karagdagang detalye, kontakin ang mga telepono blg. 0910 687 1406 o 0916 257 4735.

Mula India, dumako naman tayo sa Tsina. Ang qigong o tai chi ay isang sistemang pangkalusugan na nagsimula naman sa bansang Tsina noong unang panahon. Ginagamit ito ng marami bilang ehersisyo para sa kalusugan ng katawan at isip. Kung ikaw ay nakatira sa Quezon City at nais mong sumali sa regular na tai chi at qigong classes, maaaring kontakin si Yani Magana sa tel. blg. 0917 848 6202. May tai chi classes sa West Triangle Barangay Hall tuwing Martes at Biyernes mula alas-7 hanggang alas-8 n.u. Bukod pa rito, may libreng tai chi session din tuwing Linggo sa loob ng UP Diliman simula alas-7 n.u.