KALUSUGAN, TEMANG ANGKOP SA DISYEMBRE

ABALA  ang marami sa buwan ng Disyembre. Busy tayo sa pamimili, pagdalo sa mga pagtitipon, pag-aayos ng tahanan, at marami pang iba. Puno rin ng stress ang panahong ito—stress sa traffic, sa panggastos, at sa dami ng mga bagay na kailangang gawin.

Sa pagdalo natin sa mga handaan, umaapaw ang mga pagkain at inumin. Kaya’t kung susuriing mabuti, maraming bagay tungkol sa buwan ng Disyembre ang maaaring magdulot sa atin ng sakit o stress. Kaya’t marapat lamang na gawin nating tema ang kalusugan sa buwang ito.

Una sa lahat, ingatan ang pagkain. Kung tayo ay dadalo sa mga handaan, pilitin nating limitahan ang dami ng ating kakainin. Piliin din ang mga pagkaing hindi gaanong mamantika, matamis, maalat o mataba. Kung may prutas at gulay sa hapag, siguruhin nating mas marami ang kukunin natin ng mga ito.

Iwasan din ang sobrang stress at puyat. Magpahinga kapag pagod at matulog nang kumpleto tuwing gabi. Kung may mga bagay na puwedeng ipagawa sa iba, i-delegate na lamang natin ang mga ito. Ugaliin din ang pagmemeditate, pagrerelax, o pagpapahinga upang manumbalik ang sigla at lakas natin.

Pag-ingatan ang COVID. Nariyan pa rin ang banta ng sakit kaya’t ituloy lamang sana natin ang mga pag-iingat na nakasanayan kahit na unti-unti nang nagbubukas ang mga lugar at establisyimento. Umiwas sa maraming tao at dumalo lamang sa mga pagtitipong gaganapin sa bukas na espasyo.

At bilang panghuli, isang mahalagang paalala ang pag-eehersisyo araw-araw. Maiiwasan natin ang maraming sakit at makakatulong ito upang makapagbawas ng timbang o maiwasan na maging overweight. Pwedeng maglakad, mag-bike, mag-jogging, mag-yoga o qigong, mag-swimming, maglaro ng iba’t-ibang sports, mag-zumba o aerobics, magsayaw, o mag-gardening upang mapanatili ang malusog na pangangatawan at pag-iisip.