KALYE GINAWANG PALENGKE SA MAYNILA

NAGMISTULANG palengke ang ilang kalye sa Quiapo sa Maynila matapos pamugaran ang mga ito ng tinatayang hindi bababa sa 300 illegal vendors.

Sari-sari ang mga paninda ng mga naturang vendor, mula bigas, mga gulay, iba’t ibang klaseng mga isda, at kung ano-ano pa na karaniwang natatagpuan sa isang palengke, lamang ay sa gitna ng lansangan nagsisipagtinda ang mga ito.

Samantala, animo’y parang mga langgam naman sa dami ang mamimili, magmula hapon magpahanggang-gabi sa mga kalye ng Palanca, Villalobos at Ducos na ginagawang palengke ng mga illegal vendor.

Ito ang nagsasanhi ng mabigat na trapiko, pagsisiksikan ng mga tao at mga sasakyan, pagpuputik at pagiging malansa ng nasabing mga lansangan.

Ito ang nirereklamo ng mga motorista na araw-araw ay bumabaybay at napeperwisyo umano sa mga nasabing kalye.

“Napakaperwisyo ng mga vendors diyan, akala ba natin isasaayos ‘yang mga kalye na ‘yan mula sa mga illegal vendors kaya nga ipinatayo ni Mayor Estrada ang isang maganda, maaliwalas at mo­dernong Quinta Market na hindi naman pinapasok ng mga tao dahil nga nagkalat ang mga illegal vendor sa labas nito, mukhang lalo pang lumala!” pahayag ni Mentong ­Rodriguez, isang delivery van driver.

“Noong panahon ni ­Mayor Atienza idineklara niyang ­tiangge ang isang parte ng Avenida, e ito nagpapanggap na lamang na kalye ang Palanca, Villalobos at Ducos dahil mistulang palengke talaga,” sabi naman ni Dr. Frederick Gonzales, isang university professor na araw-araw dumadaan sa Quiapo.

“’Humihingi po kami ng tulong kay Mayor Erap Estrada at MMDA Chairman Danny Lim, alam po naming kayo na lang po ang makakaayos po nito, dahil pihadong lalala pa ang trapiko dito at pambababoy sa mga lansangan,” pahayag naman ni Joy Villegas, isang nurse at private car owner. “Sana ay mabisita ni Mayor Erap at Chairman Danny Lim ang mga ito para makita nila mismo.”     PMRT

Comments are closed.