KALYE SA NAVOTAS ISINAILALIM SA 2-LINGGONG LOCKDOWN

lockdown

ISINAILALIM sa dalawang linggong lockdown ang Block 31, Lot 36 sa Brgy. NBBS, Dagat-dagatan, Navotas City simula noong Disyembre 5  hanggang Disyembre 19  alinsunod sa Executive Order No. TMT-056, series of 2020.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, sa isinagawang contact tracing at house-to-house survey, napag-alaman na may apat na nagpositibo sa COVID-19 sa nasabing lugar at 16 na persons under investigation.

Dahil dito, aniya, kailangan mag-lockdown para maiwasan ang pagkalat pa ng virus.

Sinabi pa ni Tiangco, lahat ng mga residente sa Block 31, Lot 36 ay dapat manatili sa bahay at sumailalim sa swab test kasabay ng pagsasagawa ng targeted testing sa mga residente na nakatira malapit sa compound.

Sinumang magpositibo ay dadalhin agad sa Community Isolation Facility habang bibigyan naman ng relief packs ang mga miyembro ng kanilang pamilya na maiiwan sa bahay.

Samantala, ang mga may trabaho o negosyo (essential worker) na exempted ng IATF ay makakapasok lamang sa trabaho kapag nagnegatibo na sa swab test at may dala silang valid company ID o certificate of employment.

Paalala ni Mayor Tiangco, kailangan nakasuot ng mask na natatakpan ang ilong at bibig kapag papasok sa trabaho, sumusunod sa 1-2 metrong social distancing, hindi namamalagi sa matataong lugar, at palaging naghuhugas o nag-aalkohol ng mga kamay.

“Hindi po natin gusto ang lockdown; mahirap ito para sa ating lahat. Ngunit kailangan po ito para sa ikabubuti ng bawat isa. Hinihingi po namin ang iyong lubos na suporta at kooperas­yon. Pakikiisa ang tatapos sa pandemya”, pahayag ni Tiangco. EVELYN GARCIA

Comments are closed.