KAMARA AT COMELEC, NAGHAHANDA NA SA BILANGAN NG BOTO SA HALALAN

NAGPULONG  ang Mababang Kapulungan ng Kongreso at ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa mga paghahanda para sa May elections.

Salig sa Konstitusyon, ang Kongreso ay nakatakdang mag-convene bilang National Board of Canvassers o NBOC na siyang magka-canvass ng mga boto para sa mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente.

Isa sa mga pagsasanay na isinagawa sa pulong ay ang paggamit ng Consolidation and Canvassing System o CCS na gagamitin sa pagbibilang ng mga boto sa pinakamatataas na posisyon ng bansa.

Pinangunahan ni COMELEC Commissioner Marlon Casquejo ang naturang pulong bilang kinatawan ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan kasama ang mga miyembro ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Casquejo sa pagkakataong ibinigay ng Kamara na makapagsagawa sila ng demo at technical briefing sa paggamit ng CCS.

Iginiit ni Casquejo na mahalaga ang isinagawang demo, isang buwan bago ang mismong halalan upang matiyak na magiging maayos ang gagawing canvassing ng mga boto. Conde Batac