MATAPOS lumabas ang balitang babawiin ng Kamara ang kanilang bersiyon ng 2019 budget, itinanggi ni House Speaker Gloria Arroyo ang pag-recall sa pambansang pondo.
Ayon kay Arroyo, hindi nila wini-withdraw ang isinumiteng 2019 budget kundi tatalakayin lang ang kanilang ipinapanukalang bagong bersiyon sa pambansang pondo.
Dahil dito, naka-deadlock pa rin ang Senado at Kamara ukol sa panukalang 2019 national budget.
Kaugnay nito ay nakipagpulong ang dating Pangulo kay San Juan Rep. Ronaldo Zamora na itinalaga bilang negotiator sa Senado at iba pang House members para ayusin ang gusot.
Muli namang nanindigan si Arroyo na igigiit nila ang ‘no lump sum’ sa 2019 budget dahil unconstitutional ito.
Kapag hindi aniya sila nagkasundo ni Senate President Tito Sotto ay walang budget na makakarating sa Office of the President para malagdaan bilang batas.
‘If we don’t come to an agreement and then Tito Sotto does not sign the bill, then there’s no bill to send to the President. So I do not know if we will but I would wish we would’, pahayag ni GMA. CONDE BATAC