KAMARA NAGLATAG NG MGA REKOMENDASYON SA ‘US-IRAN CONFLICT’

malakanyang

HABANG hinihintay ng Kamara de Representantes ang pormal na hiling ng Malakanyang na pagpapatawag ng ‘special session’ ng dalawang kapulu­ngan ng Kongreso, ay naglatag na ito ng mga rekomendasyon o hakbang na maaaring ipa­tupad ng pamahalaan hinggil sa lumalalang hidwaan sa pagitan ng United States at Iran.

Sa isang panayam, inihayag ni Speaker Alan Peter Cayetano ang kahandaan ng lower house na tumugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘special session’ ng Senado at lower house at hinihintay na lamang nila ang kaukulang request ng Palasyo hinggil dito.

Subalit hanggang sa isinusulat ang balitang ito, ay wala pa ring komunikasyon o liham na natatanggap ang lower house para gawing pormal ang rekomendasyon ng Punong Ehekutibo na ‘special session’.

Habang wala pa ang ‘formal request’ ay mayroong tatlong rekomendasyon na maaaring ikonsidera o gawin ng pamahalaan kaugnay ng posibleng pagsiklab ng Middle East crisis, ayon kay Cayetano.

Sinabi nito na sa halip na direktang pauwiin sa bansa ang mga Filipinong ililikas kapag sumiklab ang pina­ngangambahan ng “full-blown war” sa pagitan ng US at Iran, ay pansamantala muna silang dalhin sa ilang ligtas na lugar sa Middle East.

“Merong areas in the Middle East na mas mura na doon muna i-safety ang mga Pinoy rather than the logistical nightmare na iuwi lahat.” Saad pa ni Cayetano.

Sunod ay ang pagsusumite ng contingency plan ng mga Embahada ng Filipinas, partikular ang nakabase sa Gitnang Silangan, direkta sa Malakanyang para mapag-aralang mabuti partikular kung paano maipatutupad ito kung kakailanganin.

Panghuli ay ang pagtatalaga ng ‘unarmed military personnel’ sa mga Philippine Embassy sa Middle East upang silang mamamahala ng gagawing evacuation o repatriation ng mga Filipinong nandoon.

“Time and time again it has proven that kapag meron kang mga militar at may evacuation, mas organized sila, mas alam nila ang gagawin especially those na may contact na sa mga lugar na ‘yon,”  paliwanag ni Cayetano hinggil dito. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.