KAMARA PINAKIKILOS VS CYBERSEX TRAFFICKING

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar sa pagkakaturing sa Pilipinas bilang ‘top producer of child pornography’ sa buong mundo.

Kaya naman agad na inihain ng ranking lady House official ang kanyang House Resolution No. 453, na humihiling na magkaroon ng Congressional inquiry hinggil sa lumalala umanong kaso ng online child sexual exploitation sa bansa.

“There is a need to protect children from different types of online abuses, especially since the pandemic has had a profound impact on the way children use the Internet as they spent more time online,” mariing sabi ni Villar kung saan mas lalong umanong namayagpag ang nasabing ilegal na gawain sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Subalit noong 2016 pa lamang, ani Villar, ang Pilipinas ay nabansagan na rin bilang ‘global epicenter of the live-stream sexual abuse trade’.

“The country also ranks second in cybercrime vulnerability which exposes greater risks to minors and children who are the most vulnerable as they spend most of their time online.” Malungkot na pahayag pa ng Las Piñas City solon.

Ang masaklap, mayroon pang mga ulat kung saan mismong ang mga magulang o malapit na kamag-anak pa ng ilang biktima ang sila mismo nasa likod o gumagawa ng online child pornography at nag-aalok sa mga foreign pedophiles ng cybersex.

Base sa ulat ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), 20% ng internet-using children sa Pilipinas, na may edad 12-17 years old , ang nagiging biktima ng online sexual exploitation and abuse.

Sa hiwalay na report, sinabi naman ng Department of Justice (DOJ) na halos maging triple ang kaso ng child sexual exploitation sa bansa sa panahong umiiral ang quarantine restrictions, o katumbas ng 279,166 reported incidents mula March 1 hanggang May 24, 2020 kumpara sa 76,561 cases sa kahalintulad na mga buwan noong taong 2019.

Bunsod nito, binigyan-diin ni Villar na dapat gumawa ng kaukulang hakbang ang Kongreso upang sa lalong madaling panahon ang masolusyunan ang nasabing karumal-dumal na gawain. ROMER R. BUTUYAN