KAMARA PINURI SA MABILIS NA PAGPASA SA DAGDAG NA ALCOHOL TAX

Alcohol

PINURI ng iba’t ibang sektor ang Kamara sa mabilis nitong pagpasa sa House Bill  (HB) 1026, na nagtataas ng buwis sa alak at ibang produktong alcohol at ‘electronic cigarettes’ tatlong linggo matapos itong iendorso ni Pangulong Duterte. Ang HB1026  ay isa sa natitirang mga bills sa ilalim ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) ng administrasyon.

Tinukoy at pinapurihan ni Finance Secretary Carlos Dominguez ang House Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, sa mabilis na aksiyon sa panukalang batas. Pinasalamatan naman ni Dr. Anthony Leachon ng  Sin Tax Coalition si Salceda dahil “ang alak at sigarilyo ay pangunahing mga dahilan ng mga sakit.”

Umani ng botong 184-2-1 ang HB1026 sa plenary ng Kamara noong Agosto 20. Kauna-unahang panukalang batas ito na ipinasa ng Kamara sa 18th Congress. Ito rin ang orihinal na bersiyon ni Salceda na iniendorso ng komite sa ‘alcohol excise tax’ at inaprubahan ng Kamara sa 17th Congress, ayon kay Dominguez.

Sa pamamagitan ng malaking pondong malilikom sa ilalim ng CTRP reform program, maipapatupad ng gobyerno ang pangunahing mga programa nito tungo sa lalong makabuluhang mga pagbabago sa lipunan at buhay ng mga Filipino. “Kami sa Department of Finance (DOF) ay nagpupugay sa mga kasapi ng Kamara lalo na ang ‘ways and means panel’ at ‘chairman,’ nito, si  Rep. Salceda, sa kaganapang ito,” sabi ni Dominguez sa kanyang ‘media statement.’

Pinuna naman ni Finance Undersecretary Karl Kendrick Chua na dahil sa mabilis na aksiyon ng Kamara, nananatili ang momentum nito tungo sa katuparan ng target ni Salceda na maipasa ang lahat ng CTRP ‘tax reform packages’ sa susunod na Setyembre bago ang talakayan sa panukalang 2020 ‘national budget.’

Kasama sa mga CTRP bills sa “ways and means Committee” ni Salceda ang bill para sa ‘general tax amnesty along with the automatic exchange of information and lifting of bank secrecy in fraud ca­ses’ ang bill na magtatatag ng ‘fiscal regime’ para sa industriya ng pagmimina; at ang ‘Passive Income and Financial Intermediaries Taxation Act’ (PIFITA).

Pinagtibay na rin ng komite ang ikalawang ‘package’ ng CTRP, ang Corporate Income Tax and Incentive Reform Act  or CITIRA. Ipinaliwanag ni Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing ng komite na ayon sa Rule 10, Section 48 ng alituntunin ng Kamara, “ang lahat ng ‘bills or resolutions’ na prayoridad ng Kamara na pinagtibay na sa ‘3rd reading’ ng katatapos lamang na Kongreso ay maaaring pagtibayin agad dahil dumaan na ito sa masusing pagsusuri.”

Binigyang diin ni Salceda na bunga ng mala­king pondong malilikom sa mga tax reform bills, “mahusay na maipatutupad ng pamahalaan ang mga prayoridad na programa nito, kasama ang ‘universal health care’ (UHC), matutulungang makaiwas ang mga kabataan sa pagkagumon sa paglalasing at  paninigarilyo.” Makatutulong din ito para mapanatili ang pataas na pugsulong ng ekonomiya, pag-akit sa mga mamumuhunan, paglikha ng mga trabaho, at pagpapaangat sa antas ng buhay ng mga Pinoy,’ dagdag niya.

Comments are closed.