KAMARA SA BATANGAS ANG SESYON PARA SA REHAB PLAN NG TAAL VICTIMS

MASAlamin

UMUUKIT ng kasaysayan sa ngayon ang 18th Congress sa pamumuno ni Speaker Alan Cayetano. Hindi lamang sa survey ratings humahataw ang Kamara at ang lider nito kundi pati na rin sa mga ‘historic’ at ‘record-breaking’ na performance ng Kamara tulad na lamang ng maagang pagpapasa sa pambansang badyet, pagsasabatas sa muling pag-umento ng sahod ng mga kawani ng gobyerno at iba pang mga panukala na kabilang sa priority bills ni Pangulong Duterte.

Muling nagtala ng rekord ang Kamara sa pagsasagawa ng sesyon sa labas ng Kongreso at upang mailapit pa nang husto ang Kamara sa taumbayan. Sa Batangas Convention Center gagawin ng kamara ang sesyon ngayong araw (Miyerkoles) upang pakinggan ng mga solon ang.mga hinaing at pinagdaraanan ngayon ng mga lokal na pamahalaan, first responders, mga evacuee at iba pang sektor na apektado ng pag-alboroto ng Bulkang Taal.

Ang pagdaraos ng sesyon ng Kamara sa labas ng Kongreso ay kauna-unahang mangyayari mula 1987. Hindi na makapaghintay ang mga mambabatas at nais na nilang pakinggan ang mga biktima ng pag-alboroto ng Taal upang mailatag ang isang malawakang rehabilitation plan para sa mga lugar at mga taong apektado ng naturang kalamidad.

Tama naman kasi ang sinabi ni Speaker  Cayetamo sa kanyang privilege speech na wala tayong masyadong problema sa first responders, relief efforts at pagtulong sa mga biktima ng iba’t ibang kalamidad sa bansa ngunit may malaking butas o gap sa paglalatag at pagpapatupad ng rehabilitation programs para sa pagbangon ng mga biktima ng kalamidad. Tandaan natin na hanggang ngayon may mga hindi pa nakakabalik sa kanilang tirahan na mga biktima ng pagsabog ng Mt. Pinatubo, Bagyong Yolanda, at kaguluhan sa Marawi.

Agree rin tayo sa sinabi ni Speaker Ca­yetano na kailangan ng short at long term plan sa rehabilitasyon upang manumbalik ang turismo, negosyo at normal na pamumuhay ng mga biktima ng kalamidad.

Kaya naman sa halip na magkomento pa ng kung ano-ano ang iba nating mga kababayan, hayaan natin ang ating mga mambabatas na gawin ang kanilang trabaho dahil hindi lamang ang mga panandaliang tulong ang kailangan ng mga biktima ng ka­lamidad kundi ang mga pangmatagalang solusyon kasama na ang maayos na rehabilitation plan. Lalo pa ngayon na humihiling si Digong sa kongreso ng P30 bilyong supplemental budget para sa mga biktima ng Taal.

Hayaan natin na maging reliable, relevant at responsive ang ating Kongreso para sa pagkakaroon ng ligtas at komportableng buhay ang mga Filipino.

Comments are closed.